Manila Bulletin, mayroong pruweba sa ibinunyag na hacking ng voters information sa server ng COMELEC

Naniniwala ang tech news editor ng Manila Bulletin na posibleng naghahanap ng “bug bounty” ang mga nang-hack sa servers ng Commission on Elections (COMELEC).

Ayon kay Art Samaniego, ang “bug bounty” ay isang termino na ginagamit ng security professionals kung saan ay may kapalit ang bawat impormasyon na ibibigay sa isang kompanya.

“I also talked about it with COMELEC and told them it looks like these guys are looking for bug bounty,” ani Art Samaniego, tech news editor ng Manila Bulletin, sa interbyu sa ANC.

“A bug bounty is a term used by security professionals wherein a company gives something in return for the information that they get,” paliwanag niya.

Sinabi ni Samaniego na mayroong unnamed source ang nagbunyag na mayroong nagaganap na “cyber espionage” simula pa noong January 8.

Ang nasabing pahayagan ang unang nag-ulat tungkol sa nangyaring breach sa servers ng COMELEC, at pag-download ng sensitibong voter information, kabilang na ang usernames at PINS ng vote-counting machines mula Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) hanggang Region 13.

Naibahagi rin ng source sa kanila ang screenshots ng active directory, na nagpapakita na mayroong “full acess” ang hackers sa system.

“Basta sinabi lang there’s an attack. They said there’s an ongoing cyber espionage,” ani Samaniego.

Samantala, itinanggi naman ng poll body na nakaranas ito ng data breach at nilinaw na wala pa sa servers nila ang mga nasabing datos.

“We need to study more on these files because ‘yun nga puwedeng i-fabricate ‘yung file but we need to know saan ba talaga galing ‘to, anong pinagmulan nito and the hackers are willing to talk with COMELEC about this one,” dagdag naman ni Samaniego.