Pangulong Duterte, nangako ng P2B ayuda para sa mga biktima ng bagyon Odette: We’ll prioritize those who were really left with nothing.

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na maghahanap ng karagdagang P2 billion bukod pa sa inisyal na P2 billion na una niyang ipinangako na itutulong para makabangon ang mga probinsiya na sinalanta ng bagyong Odette.

Kabilang sa mga pinuntahan ng Pangulo ang probinsiya ng Bohol kung saan pinangunahan din niya ang pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng bagyo.

“So what’s important is you listen to your officials because we’re going to download the money in the bank so they can get money immediately,” pahayag ni Duterte sa pamamahagi ng tulong sa Inabanga, Bohol.

Aniya, sinimulan na ang pagbibigay ng tulong mula sa P2 bilyon at maghahanap pa siya ng dagdag na pondo.

“So we gave P2 billion and you’ll divide the amount. We’ve already started giving assistance, so I’ll look for another P2 billion,” ani Duterte.

Umapela rin ang Pangulo sa mga mamamayan na maging mapagpasensiya dahil naubos sa ngayon ang pera ng gobyerno na nagamit sa pagtugon sa COVID-19 response.

Pero nangako ang Pangulo na uunahin ang mga wala na halos natirang ari-arian dahil sa bagyo.

“Just don’t be sel­fish, just wait for your turn. We will have to help first those who have nothing right now. But for those whose houses are still intact and just need some repairs, you’ll be next to receive help. Unahin natin ang pinakakawawa,” dagdag ni Duterte.

Sinabi rin ng Pangulo na binilisan ng Natio­nal Housing Authority (NHA) ang pagtatayo ng nasa 5,000 hanggang 30,000 bahay para sa mga nakaligtas sa bagyo.

Kabilang ang Bohol sa mga probinsiya na matinding hinagupit ng bagyong Odette matapos ng siyam na beses mag-landfall sa iba’t ibang lugar ng Min­danao at Visayas noong nakaraang linggo.

Kasama ng Pangulo na bumisita sa mga biktima ng bagyo si Senador Bong Go at iba pang opisyal ng gobyerno.