Willie Revillame, nagbigay ng P9M para sa 9 munisipalidad na nasalanta ng Bagyong Odette sa Siargao

Namahagi ng tig-1 milyong piso sa mga alkalde sa probinsya para ipang-ayuda sa mga lubos na nasalanta ng bagyong Odette si Willie Revillame sa siyam na munisipalidad sa Siargao Island.

“Gusto ko ipamahagi ang blessings ko. Nakikipagpulong ako sa siyam na alkalde ngayon. Nagbigay ako ng tig-P1 million sa siyam na alkalde para makabili sila ng bubong para makapagsimula muli,” ani Revillame.

Bukod sa pagbibigay ng donasyon, balak ni Revillame na mag-Pasko sa Siargao para makatulong pa sa iba pang paraan.

Noong Miyerkoles December 22, bumisita si Revillame sa Siargao kasama sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Bong Go.

Pahayag ni Revillame: “Nandito po ako, actually hindi ko po alam na darating ang ating mahal na Pangulo at ang ating mga cabinet members at ang mahal na senador.”

Dala rin ni Revillame sa Siargao ang dalawa niyang helicopters bilang tugon sa narinig niya sa program ni Ted Failon na nangangailangan sa Siargao ng private helicopter.

“Sabi ko lang ho, kung pupuwede akong pumunta ako ng Siargao, pupunta ako ng Bohol. May dala ho akong 2 helicopter.

“Tapos sabi ko nga, gasoline lang ang kailangan ko ho, maghahatid lang kami ng mga pangangailangan sa mga barangay.“

“So naisip ko kaagad tumawag kay Senator Bong Go, ‘Mahal na Pangulo, kung pupuwede ho ba ako humingi ng pahintulot mahal na Pangulo na pupuwede ako pumunta sa lahat ng barangay? Dito po ako magpa-Pasko,“ lahad niya.

Nilinaw ni Revillame na ang inabot niyang tulong ay mula sa kanyang sariling kinita.

Ito raw ang paraan niya para ibahagi ang blessing na hindi natigil ang kanyang programa kahit may pandemya sa loob ng halos dalawang taon.

Paliwanag ni Revillame: “Hindi po ako tumatakbong kahit na anong posiyon sa pulitika.

“Ngayon para sumaya kayo, mahal na Pangulo, ako po ay nandito para makatulong. Isipin niyo po, ako lang ang may trabaho nu’ng panahon ng pandemya, na nagbibigay ng 5 thousand, 10 thousand, pambili ng gamot, kung anuman, jacket, tablet.

“For almost two years, awa ng Panginoon, hindi ako nahinto sa programa.”

May siyam na munisipalidad sa Siargao Island: ang Dapa, Burgos, Del Carmen, General Luna, San Benito, San Isidro, Pilar, Santa Monica, at Socorro.

Samantala, nangako si Revillame na maglilibot pa siya sa ibang lugar na labis na napuruhan ng bagyong Odette.