Leni Robredo sa kanyang pagtulong sa mga biktima ng Bagyong Odette: Hindi po politika ‘yung aking sadya ngayon.

Nanawagan si presidential aspirant Vice President Leni Robredo na isantabi muna ng lahat ng mga hindi pagkakaunawan at sa halip ay magkapit-bisig ang lahat para matulungan ang libo-libong kapwa natin na nasalanta ng bagyong Odette.

Nilinaw ni Robredo na hindi umano pulitika ang kanyang sadya nang mag-ikot ito sa mga probinsyang hinagupit ng bagyong Odette tulad ng Siargao, Dinagat Islands, Surigao City, Surigao del Norte, Bohol, Cebu City, Iloilo at Negros Island.

“Hindi po politika ‘yung aking sadya ngayon. Hindi po namin pinag-usapan nila gov, nila mayor, vice mayor kung ano ‘yung susuportahan during the election. ‘Yung pinaka sadya ko lang po talaga mapaabot ‘yung tulong,” pahayag ni Robredo sa kanyang pagbisita sa Himamaylan, Negros Occidental.

“Alam naman po natin na pag panahon ng sakuna hindi dapat tinitingnan kung ano ‘yung kulay ng pulitika. Dapat lahat lahat ng nangangailangan tinutulungan at lahat na puwedeng tumulong ay magkaisa,” dagdag pa niya.

Diin pa ni Robredo na ilang artista ang nangako ng susuportahan ang kanyang layunin na makapagbigay ng tulong sa mga biktima ng bagyong Odette.

“Napakaraming artista ngayon na nag-pledge ng support. In fact, iba sa kanila nagre-repack sa volunteer center natin, ang iba po sa kanila sumasama sa pa-lugaw, ang iba sa kanila ‘yung mga hindi ko napupuntahan dahil nasa iba ‘kong lugar sila ‘yung nagsu-surrogate sa akin,” anig Robredo.

“So sobrang overwhelmed po tayo with the outpouring of support ngayon. Pero ang pakiusap po natin sa kanila na huwag muna ‘yung kampanya, unahin muna namin itong relief operations,” dagdag pa niya.