Bongbong Marcos at Sara Duterte, nanguna sa pinakahuling Pulse Asia Survey

Nanguna sina Bongbong Marcos at kanyang running mate, Davao City Mayor Sara Duterte, sa isinagawang Pulse Asia survey sa presidential at vice presidential aspirants para sa 2022 national elections.

Batay sa isinagawang survey na may 2,400 respondents, lamang ng mahigit 30 points si Marcos na nakakuha ng 53% kumpara sa 20% na nakuha ni Vice President Leni Robredo.

Meron namang 8% sina Manila Mayor Isko Moreno at Sen. Manny Pacquiao at 6% kay Sen. Ping Lacson.

Para naman sa vice-presidential survey, nangunguna parin si Mayor Sara Duterte na nakakuha ng 46% kumpara sa 31% na score ni Senate President Tito Sotto III.

Habang 12% lamang ang nakuha ng running mate ni Robredo na si Sen. Kiko Pangilinan, 6% sa running mate ni Moreno na si Doc. Willie Ong at katiting na 1% sa running mate ni Pacquiao na si Rep. Lito Atienza.

Ayon sa Pulse Asia, mayorya sa lahat ng geographic area at socioeconomic classes ang boboto kay Marcos kung isinagawa ang eleksyon sa panahon ng survey period.

Ikinatuwa ng Marcos camp ang resulta ng Pulse Asia survey.

“Nakikita ng tao na talagang maayos, hindi palaaway, hindi basag-ulo at hindi mapagpatol at talagang very humble ang pagkatao ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos,” sabi ni Vic Rodriguez, spokesman ni Marcos.

Sa isang pahayag, sinabi ng kampo ni Robredo na “malinaw” na ang laban ay sa pagitan umano niya at ni Marcos.