Richard Gordon sa paghimok ni Pangulong Duterte sa mga botante na huwag iboto: Kinakabahan na siya na baka manalo ako, na malakas ako.

Hindi na umano papatulan pa ni Senador Richard Gordon ang panibagong batikos sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Gordon na “I pray for him, I forgive him.”

Ayon kay Gordon, hindi niya papatulan ang Pangulo dahil pagod na siya sa dami ng trabaho sa Philippine Red Cross sa harap ng pagtaas na naman ng COVID-19 sa bansa bukod pa sa mga nasalanta ng bagyong Odette.

Giit ni gordon, baka kinakabahan si Pangulong Duterte na manalo siya kaya ikina-kampanya na huwag siyang iboto.

”I don’t know why he’s so mad at me. But if he says ‘wag ako iboto, he’s probably worried that I might win. Kinakabahan na siya baka manalo ako, na malakas ako,” ani Gordon.

Una rito, sinisi ng Pangulo si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa naisabatas na juvenile justice welfare act na dahilan kaya hindi nakakasuhan ang mga batang kriminal.

“Actually, huwag kayong bumoto. Dalawa lang ‘yan: Gordon pati Pangilinan. Matagal na ‘yan diyan sa Senado. Tanggalin ninyo ‘yan kay ‘yan talaga ang mga… Ito si Gor — si… Ah pareho lang utak. Ito si Pangilinan talagang hindi niya ginamit ‘yong utak niya. Eh nag-seminar sa Harvard eh, papaano ‘yan? Pagbalik, American Law na,” anang Pangulo.

Sa isyu naman kay Gordon, hindi nagustuhan ng Pangulo ang paulit-ulit at pilit na pag-uugnay sa kanya ng senador sa mga iniimbestigahang personalidad kaugnay sa mga biniling medical supply ng gobyerno para magamit sa COVID-19.