Manny Pacquiao sa mga akusasyong vote-buying ang pamimigay ng pera: Kung naiinggit sila, gawin din nila. Hindi naman ito ninakaw.

Bumuwelta si presidential aspirant Sen. Manny Pacquiao sa mga akusasyong vote-buying ang pamimigay niya ng pera at relief goods sa mga binibisita niyang probinsya.

Sa halip na batikusin ang kanyang pamimigay sa kanyang pagbisita sa ibat-ibang bahagi ng bansa, hinikayat ni Pacquiao ang mga ibang pulitiko na gawin na lamang din ang kanyang ginagawa.

Ayon kay Pacquiao, ipagpapatuloy niya ang pamimigay hangga’t pagbawalan siya ng Commission on Elections (COMELEC).

“‘Yung mga kritiko, gawin na lang nila. Itong perang pinamimigay natin, hindi naman ito ninakaw. Alam naman ng taumbayan kung saan galing ito. Ito ay biyaya ng Panginoon sa atin at ibinabahagi natin sa taumbayan,” sabi ni Pacquiao.

“Hanggat hindi pa dumadating yung time ng official campaign period, yung pagtulong natin sa kapwa, sa taumbayan ay matagal ko ng ginagawa. Magpapatuloy yan hanggang sa pagbawalan tayo ng COMELEC, susunod tayo. Pero nasa puso ko na ang pagtulong mula pa noon,” ani Pacquiao.

Diin pa ni Pacquaio, kung inggit lang ang umiiral sa mga bumabatikos sa kanyang ginagawa ay ipamahagi na lang nila ang pera dahil ito naman ay para talaga sa taumbayan.

“Ngayon kung naiingit sila, gawin din nila. Lalong-lalo na ‘yung mga nagnanakaw sa gobyerno, ibigay nila ‘yung pera sa taumbayan,” dagdag pa ni Pacquiao.