Larry Gadon sa suspenyon kaugnay ng pagmumura niya kay Raissa Robles: Ito ay politically motivated dahil tumatakbo ako sa pagka-senador.

Pinaghihinalaan ni Atty. Larry Gadon na may koneksyon ang pagtakbo niya sa pagka-senador sa naging desisyon ng Supreme Court na patawan siya ng preventive suspension kaugnay ng pagmumura niya sa isang kritiko ng Duterte administration na si Raissa Robles.

Nitong Martes ay inilabas ng SC ang desisyon kung saan sinuspinde nito si Gadon at pinagpapaliwanag kung bakit hindi siya dapat masipa bilang abogado.

Nag-ugat ang pagsuspinde kay Gadon matapos hilingin ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) at SC na disiplinahin si Gadon.

Sa kanyang panig, sinabi ni Gadon na hindi dumaan sa tamang proseso ang desisyon ng korte.

“For an institution that prides itself for safeguarding due process of laws, I am confused that the Supreme Court immediately suspended me without due process and my suspension was announced in the media without furnishing me first with a copy of the complaint, if there is any,” saad ni Gadon.

“Could this be due to my recent statement calling for a refund of the protest fees paid by BBM [Bongbong Marcos] that remained unsolved? Could this be politically motivated since I am running for senator?” tanong ng abogado.

Kamakailan ay nag-viral muli si Gadon matapos pagmumurahin si Robles kaugnay ng naging statement ng kritiko laban kay presidential aspirant Bongbong Marcos.