BBM-Sara UniTeam, inilagay na sa blueprint ang modernisasyon ng Pasig River Ferry System

Nasa ‘blueprint’ na ng BBM-Sara UniTeam ang planong modernisasyon sa Pasig River Ferry System bilang isa sa alternatibo at mabisang solusyon upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Ayon kay Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., kikilos agad silang dalawa ni Mayor Sara Duterte matapos silang manalo sa halalan ngayong darating na Mayo, para bigyang prayoridad ang pagpapaunlad sa transportasyong pang-lantsa sa babaybayin ng Ilog Pasig na nag-uugnay sa Laguna de Bay hanggang Manila Bay.

Dagdag pa niya importante na i-modernize at palakasin ang Pasig River Ferry System sapagkat malaking tulong ito hindi lamang upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila, kundi magreresulta rin sa mas maunlad at masiglang ekonomiya.

Base sa pag-aaral na isinagawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong Pebrero 2018, lumalabas na nawawalan ng P3.5-B na potensyal na kita kada araw ang bansa dahil sa matinding trapiko sa Metro Manila.

At kung hindi malulutas agad aabutin pa sa hanggang mahigit P5-B kada araw pagsapit ng dekada 2030, ayon pa rin sa JICA.

Dahil dito, pabibilisin din nilang dalawa  ni Mayor Sara ang pag-apruba sa isinusulong na Pasig River Ferry Convergence Program ng Duterte administration.

Aniya, mas pabor din sila na gobyerno na ang mamahala nito at hindi na dapat pribadong sektor.

“Alam naman natin na kapag private company ang may hawak, sigurado kahit papano ay kailangan nila ng ‘profit.’ Pero kapag gobyerno ang may hawak, hindi nito pagkakakitaan ang taumbayan dahil ang dapat manguna rito ay ang tunay at tapat na serbisyo sa taumbayan,” sabi pa ni Marcos.

Para sa BBM-Sara UniTeam, isa ang pagpapalakas sa Pasig River Ferry System sa susi para lumuwag ang trapiko sa mga pangunahing lansangan tulad ng EDSA.

“Kapag nangyari iyon ay tiyak na makikinabang ang tinatayang 10 milyon commuters na karamihan ay mga mangggawa at kulang sa tatlong milyong motorista,  na magreresulta rin sa mas masigla at maunlad na ekonomiya,” sabi pa niya.

Dagdag pa nila, kung mapapalakas nang husto ang ‘ferry system,’ tiyak na malaking kaginhawaan ito, hindi lamang sa mga commuters at motorista, kundi pati na rin ang pagpapaigi sa ating kapaligiran kontra polusyon.

Sa mga nakalipas na taon, tatlong pribadong kumpanya ang namahala ng ferry system.

Una ang Metro Ferry o Magsaysay Lines. Ikalawa, ang Starcraft Ferry at ang ikatlo ay SCC Nautical Transport System Inc. na pawang nalugi at nagsara.

Simula taong 2015 hanggang sa kasalukuyan, pinamamahalaan na ito ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na may 11 passenger boats, dalawang tugboats, dalawang trash boats at isang ‘trash skimmer with conveyor boat.’

Mayroon ngayong 11 istasyon ang ferry at ang mga ito ay ang Plaza Mexico, Escolta, Lawton, Lambingan, Sta. Ana, Valenzuela, Hulo, Guadalupe, Maybunga, San Joaquin at Pinagbuhatan na kumokonekta mula Maynila hanggang Pasig.

Nabatid sa ginawang pag-aaral ng Department of Transportation (DOTr), ilan sa dahilan kung bakit nalulugi ang ferry system ay dahil sa hindi ito tinatangkilik ng karamihan sa ating mga kababayan.

Posible, ayon sa BBM-Sara UniTeam, ay kulang ito sa paghahatid ng tamang impormasyon o maaaring hindi ‘strategic’ ang mga kasalukuyang istasyon na dapat aralin pa nang husto ng kinauukulan.

Isa rin sa nakikitang dahilan ay ang mga ‘informal settlers’ na malaking isyu sa seguridad, gayundin ang pagsulputan ng water lily at siyempre ang mabahong amoy na nalalanghap sa paligid ng Ilog Pasig.

Ayon sa UniTeam, sa usapin ng informal settlers ay tamang pabahay ang nararapat sa mga ito. Positibong problema naman anila ang water lily dahil maaaring mapakinabangan ito para sa livelihood program.

Ani Marcos, kung magiging masinop lamang ang pamamaraan, kapag natuyo ang water lily ay puwede itong gawing bag, salakot, banig na dagdag kabuhayan sa ating mga kababayan. 

“Probinsiyano’t probinsiyana po kami pareho ni Inday Sara. Para sa amin, puwede pa ngang gawing pangontra sa mga lumot (algae) sa ating fishpond ang mga water lily. Puwede ring ipakain ito sa mga hayop sa Zoo o sa mga alaga nating hayop na ang tawag natin ay organic farming,” sabi pa ni Marcos.

Dahil dito, kumpiyansa ang tambalang Marcos-Duterte na kung mapalakas lamang ang ferry system ay malaking kaginhawaan ito hindi lamang sa daloy ng trapiko sa Metro Manila, kundi pati na rin sa pagpapalakas ng ekonomya.

“Iyan ang programa namin ni Inday Sara. Kapag maluwag ang trapik sa Metro Manila, tiyak ay luluwag din ang ating ekonomya,” diin  ni Marcos. 

Noong mga nakalipas na panahon, sa Ilog Pasig dumaraan ang mga bangkang pangkalakal na nagpalakas sa ‘barter trade’ ng Pilipinas sa mga Tsino at iba pang banyaga.