COMELEC sa hacking incident sa kanilang server: Ito ay fake news! Hindi na-hack ang aming server.

Itinanggi ng Commission on Elections (COMELEC) ang ulat ukol sa umano’y hacking incident sa kanilang servers.

Sa isang Tweet, iginiit ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na peke ang ulat ng Manila Bulletin (MB) na napasok ng mga hacker ang server ng poll body at nakapag-download ng 60-gigabytes na mga data.

“FAKE NEWS: Comelec server was hacked, not true. Manila Bulletin editor must verify,” saad sa Twitter post ni Guanzon.

Aniya, paano maha-hack ang kanilang mga server gayung wala pa silang mga Personal Identification Numbers o PIN base na rin sa kanilang Information and Technology Department (ITD) director.

“How can they hack our servers when we don’t have PINs yet? ITD [Information and Technology Department] Director told me we don’t have PINs yet,” saad pa ni Guanzon.

Nauna nang inulat ng Manila Bulletin nitong Enero 8, na-hack ang servers ng COMELEC at na-download ang mga sensitibong file, kabilang ang usernames at PIN ng vote-counting machines.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Comelec spokesperson James Jimenez na maglalabas sila ng kumpletong ulat tungkol sa naiulat na insidente ngayong linggo.