Kris Aquino may paalala sa mga nasalanta ng bagyong Odette: Sana maalala niyo kung sino ang tumulong sa inyo.

Nagbigay na ng tulong si Kris Aquino sa mga biktima ng bagyong Odette sa iba’t ibang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Sa kaniyang social media account, sinabi nito na kahit nakabakasyon siya kasama ang fiance na si Mel Sarmiento ay hindi nito nakakalimutan ang pagtulong.

Nakipag-ugnayan na ito sa kapwa actress na si Angel Locsin para sa kaniyang isasagawang pagtulong.

Binisita ni Kris ang Kabankalan City, Negros Occidental kung saan ay kasama rin nito si presidential aspirant Vice President Leni Robredo.

Ayon kay Kris, inuna niya ang lungsod dahil dito raw ipinanganak at lumaki ang dati niyang asawa na si James Yap.

Sinabi rin nito na ang lugar na susunod niyang pupuntahan ay ang Hinigaran City dahil doon umano nakatira ang nagpalaki sa mga anak niya.

Nilinaw din ni Kris na galing sa sarili bulsa ang pinamigay niyang ayuda sa mga tao.

“Pera ko po ‘yan, hindi yan galing sa kahit kanino dahil mahal ko po kayo. Mahal na mahal ko po si VP Leni.” ani Kris.

Hinimok din ni Kris ang mga residente ng Kabankalan na huwag sanang kalimutan ang ginawang pagtulong nila.

“Kaya sana maalala niyo kung sino po ang tumulong sa inyo sa oras ng inyong pangangailangan. Dahil po yan sa pagmamahal namin sa lahat ng mga Pilipino,” sabi niya.

Pinuri din ni Kris ang ilang mga pulitiko na nagsagawa na ng relief operations sa mga nasalanta ng bagyong Odette.

PANOORIN ANG BUONG VIDEO: