PAGOD KASI AKO! Barangay official na nagsabi na non-essential ang Lugaw, pormal na humingi ng paumanhin sa Grab rider

Matapos umani ng matinding pambabatikos mula sa publiko, minabuti ni Marciano G. Gatchalian, Punong Barangay ng Barangay Muzon sa San Jose Del Monte, Bulacan na pormal na humingi ng dispensa.

Sa isang video na ibinahagi ng Facebook page ng Barangay Muzon, sinabi ni Gatchalian na palagi niyang pinapaalalahanan ang mga kawani ng barangay ng tamang pakikitungo sa kanilang mga nasasakupan.

Kasunod nito, pormal ding humingi ng paumanhin si Phez Raymundo, ang babaeng kawani ng barangay na sumita sa Grab rider na si Marvin Ignacio.

Pinaratangan si Ignacio ng paglabag sa curfew hours na ipinatutupad sa bisa ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) at sa mga kalapit na lalawigan dahil maghahatid siya ng lugaw sa kostumer na nag-order sa pamamagitan ng Grab.

“Ako po si Phez Raymundo, kawani ng barangay, nakatalaga bilang VAWC desk officer. Na humihingi ng paumanhin sa nangyaring viral noong nakaraang araw tungkol po doon sa lugaw sa may Harmony Hills,” pahayag ni Raymundo.

Maging ang dalawang lalaking naghatid ng dokumento sa lugawan kung saan nagtatrabaho si Marvin Ignacio ay humingi din ng dispensa.

“Sa iyo Marvin, kung na-offend ka sa aking nabanggit, ako ay humihingi ng paumanhin, kasama na rin po doon ‘yung may-ari ng establishment and doon sa mga Grab drivers,” ani Raymundo.

“Sa mga netizens, alam kong naapektuhan kayo doon sa aking nabanggit. Hindi ko po gusto na ma-offend kayo. Iyon po ay hindi intentional. Dahil iyon po ay late na ng madaling araw iyon, napagod na rin po siguro ako at nagkamali ako ng napili na salita na hindi akma sa aking pinapaliwanag kay Marvin so pasensya po sa lahat at sa publiko,” dagdag pa nito.

Para naman kay Gatchalian, “Ako po ay naririto upang makapagbigay ng pahayag, paliwanag, at makahingi na rin ng paumanhin sa ating publiko, sa atin pong kinauukulan, sa mga nakakataas sa ating pamahalaan, at lalong lalo na sayo Marvin, muli akong humihingi ng paumanhin, at saka sa may-ari na rin ng Lugaw Pilipinas.”

Inamin rin ng isang opisyal na pumunta sa bahay ni Ignacio upang magpadala ng memo ngunit aniya ay walang intensyong mang-harrass.

Matapos mag-viral ng video, nilinaw ng Malakanyang na lahat ng negosyo ng pagkain at food delivery ay maaaring mag-operate kahit umiiral na ang curfew.

PANOORIN ANG VIDEO DITO: https://bit.ly/3dlbcmo