fbpx
≡ Menu

PH boat captain Junel Isigne kay Pangulong Duterte: Nalulungkot po ako sa sinabi niya, parang balewala po yung pagbangga sa amin

PH boat captain Junel Isigne kay Pangulong Duterte: Nalulungkot po ako sa sinabi niya, parang balewala po yung pagbangga sa amin

Dismayado ang kapitan ng F/B Gem-Ver 1 sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa nangyaring insidente sa Recto Bank kung saan sinalpok umano ng isang Chinese vessel ang kanilang fishing boat.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati na “simple maritime incident” ang nangyari sa Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS).

Hinimok rin ng Pangulo ang publiko na huwag agad maniniwala sa mga politiko ng oposisyon na pinipilit papuntahin ang Philippine Navy sa pinangyarihan ng “hit and run.”

“‘Yung nangyaring banggaan, that is a maritime incident. ‘Wag kayong maniwala diyan sa mga politiko, bobo, gusto papuntahin ‘yung Navy Banggaan lang ng barko ‘yan. Do not make it worse,” sagot ng Pangulo.

Sa isang panayam, sinabi ni Junel Insigne na hindi niya mapigilan malungkot dahil pakiramdam niya balewala ang pagbangga sa kanilang barko.

Tila nangangahulugan lamang daw ang pagmamaliit ni Pangulong Duterte sa insidenteng ito na kailangan na hintayin na may mamatay daw muna sa kanilang mga mangingisda para maging mas matapang ang posisyon sa naturang usapin.

“Nalulungkot po ako sa sinabi ni mahal na presidente dahil po parang balewala po yung pagbangga sa amin, dahil maliit lang na ano yun, na walang namatay sa amin. Hihintayin pa po bang may mamatay po sa amin?” ani Junel.

Dagdag pa nito, gusto niyang marinig mismo sa Pangulo na dapat managot ang kapitan ng Chinese vessel at paalisin sa WPS ang mga mangingisdang Chinese dahil sa pangambang maulit muli ang pangyayari.