NAINSULTO KAMI! Barangay officials ng Muzon, ipinakulong ang dalawang babae na nagdala ng essential lugaw sa kanilang opisina

Hindi pa man humuhupa ang isyu, muling naging laman ng balita ang Barangay Muzon sa San Jose Del Monte City, Bulacan matapos ipaaresto ng mga opisyal ang dalawang babae na nagdadala ng lugaw.

Ayon sa ulat,  sinadya umano ng dalawang babae na maghatid ng lugaw sa barangay hall at kinunan pa nila ng video ang kanilang ginawa habang nasa biyahe.

“Bini-video na nila so talagang pinlano nila na ang barangay ay insultuhin. Wala na rin po kaming choice kasi harap na harap sa pulis noong dalhin ‘yung lugaw kaya pati pulis nagalit sa kanila. Kaya ‘yung pulis na rin ang nagdesisyon na dalhin sa estasyon at kasuhan ng unjust vexation kasi masyadong intentional ‘yung kanilang ginawa,” pahayag ni Muzon chairman Marciano Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, tila nang-insulto lang ang dalawa sa pagdadala ng lugaw na may mensaheng, “Essential po ang lugaw para po matikman niyo lahat ng taga-Barangay Muzon. Happy Eating.”

Kasalukuyang nakapiit ang dalawang babae sa San Jose Del Monte Police Station at sasampahan ng reklamong unjust vexation.

Sa Barangay Muzon din nag-viral kamakailan ang isang barangay official nito matapos harangin ang ide-deliver na lugaw ng isang rider dahil hindi umano essential ang nasabing pagkain.