Pulis na may-ari ng paupahan, pinalayas ang mga tenant na hindi nakabayad ng 2-buwang renta sa bahay

Pulis na may-ari ng paupahan, pinalayas ang mga tenant na hindi nakabayad ng 2-buwang renta sa bahay

Nag-viral ngayon sa social media ang video ng isang pulis na landowner sa Pasay City laban sa kanyang mga tenant na pinaalis habang may lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa Facebook post ni Mary Cuer Nobleza, pinalayas sila sa kanilang nirerentahan sa Barangay 145 sa Pasay City noong April 12.

Aniya, pilit raw silang pinaalis noon kahit naka-lockdown pa ang buong Metro Manila.

“Ito ‘yung pulis na may-ari ng inuupahan namin sa Pasay sa Barangay 145 pinalayas niya kami sa kalagitnaan ng ECQ. Umalis kami pero iniwan namin ibang gamit namin, kaunting damit lang ang dala namin kasi plano naming balikan pag may masasakyan na,” sabi ni Nobleza.

Kaunti lang daw ang nadala nilang gamit noon dahil walang masakyan at kinailangan pa nilang lakarin mula Pasay hanggang Antipolo. 

Binalikan nila Nobleza ang mga natirang gamit ngunit tinapon na daw ang mga ito. Subalit itinago naman ang mapapakinabangan pa at ibibigay lamang ito kapag binayaran nila ang dalawang buwan na bayad sa renta.

“Ngayon open na, may masasakyan na pinuntahan namin ang mga gamit, wala na lahat ung mga gamit namin. Sabi ng mga kapit-bahay namin itinapon na daw ‘yung iba na hindi na mapapakinabangan at ‘yung nasa kanila daw,” dagdag pa niya.

Sa video, makikita ang pagtatalo ng pulis sa mga tenant nito kung saan bumunot pa ito ng baril na inawat naman ng kanyang mga kasamahan.

“Putang-ina niyo, binabastos niyo anak ko, sinasagot-sagot niyo lang. Umalis kayo rito baka magkagulo tayo rito,” sabi ng pulis sa video.

“Anim ang bahay ko rito hindi lang ito. Marami akong kamag-anak, isang utos ko lang, kuyog na kayo. Dati na kong gago bago ko naging pulis kaya kayang-kaya ko kayong sabayan,” dagdag pa nito.

Matatandaan na inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na paglabag sa Bayanihan To Heal As One Act ang puwersahang paninigil ng renta sa panahon ng pandemya.

Maaring magreklamo ang mga indibidwal na nakararanas ng parehong problema sa consumer hotline ng kagawaran.