KUMPIRMADO: Pangulong Duterte, pinapatigil na ang paggamit ng face shield at sa ospital na lamang gamitin

Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na pumayag si Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto ang obligadong pagsusuot ng face shields sa mga pampublikong lugar at halip ay sa mga ospital na lang ito gagamitin.

“I can only confirm what Senate President Tito Sotto and what Senator Joel Villanueva said earlier, that the President did say that the wearing of face shields should only be in hospitals,” ayon kay Roque.

“What the President has decided, then that’s the policy. The discussion also focused on mayroon ba talagang ibang bansa na nagpapasuot ng face shield. Let’s leave it at that kasi ‘yon lang ‘yong talagang words that came out of the President’s mouth,” dagdag pa niya.

Nauna na itong inihayag ni Senate President Vicente Sotto III sa kaniyang Twitter post.

Tinawagang pansin pa ni Sotto ang Department of Health (DOH) sa kaniyang naturang post.

“Last night, the President agreed that face shields should only be used in hospitals. Allowed us to remove ours! Attention Department of Health!” sabi sa tweet ni Sotto.

Ayon kay Sotto, pinatanggal na ng Pangulo ang face shield sa mga nagsusuot nito dahil abala lamang ito at Pilipinas lamang ang tanging bansang gumagamit nito.

Kaugnay nito, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na pag-uusapan nila ang bagay na ito sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) at sakaling magkaroon ng bagong panuntunan ay agad nila itong ilalabas.

Una rito, may mga grupo at indibidwal nang nagsusulong na payagan na ang hindi pagsusuot ng face shield sa pampublikong lugar.

Sa isang interview, sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na kung ano ang desisyon ni Pangulo Duterte ay kanilang susundin lalo na’t recommending body lang sila at ang Pangulo pa rin ang masusunod.

Pero babala ni Duque, posibleng tumaas ang kaso ng COVID-19 sa mga lugar na dikit-dikit ang mga tao kung aalisin ang pagsusuot ng face shield.

Samantala, para naman kay UP-OCTA Research Team Fellow Prof. Ranjit Rye hindi pa napapanahon para luwagan ang health protocols sa bansa.

Ito ang pahayag ni Rye matapos na sang-ayunan ng Pangulo na hindi na i-require ang pagsusuot ng face shields sa mga pampublikong lugar maliban sa mga ospital.

Sabi ni Rye, bago magluwag dapat na ikonsidera ng pamahalaan na may mga variants pa ng COVID-19 ang kumakalat sa mundo.

Bukod dito, masyadong atrasado ang pagbabakuna sa bansa kaya hindi pa dapat pinag-uusapan ang pagluluwag sa mga health protocols.

Giit pa ni Rye, dapat na kumonsulta muna ang gobyerno sa mga health experts at sumunod sa rekomendasyon ng mga ito.