HILAW PA! PACC, may mensahe kay Manny Pacquiao ukol sa alegasyon nito sa ilang ahensya ng gobyerno

Nilarawan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na ‘medyo hilaw’ pa ang alegasyon ni Senator Manny Pacquiao na napasok ng korapsyon ang ilang ahensya ng gobyerno.

Ayon kay PACC commissioner Greco Belgica, agad nang sinabi ni Pacquiao na may korupsiyon na nangyayari sa ilang ahensya kahit na sisimulan pa lamang nito ang imbestigasyon.

“Medyo hilaw pa po ngayon ‘yung kay Senator Manny dahil wala pang imbestigasyon, meron nang conclusion,” lahad ni Belgica.

Sa PACC aniya ay kanila munang iimbestigahan ang umano’y katiwalian sa isang ahensya para makapagsampa sila ng kaso laban dito.

“Kapag nag-conclude ka, ibig sabihin naimbestigahan mo kaya magsasampa ka ng kaso. Ganun sa amin. Kapag nagsampa kami ng kaso, may conclusion na kami kasi based on evidence and investigation,” aniya pa.

Matatandaan na kinuwestiyon ni Pacquiao ang umano’y nawawalang P10.4B mula sa Social Amelioration Program (SAP) na idinaan umano sa Starpay – isang e-wallet application na ginagamit ng Department of Social Welfare Development (DSWD).

Nagpaliwanag na ang DSWD at nilinaw na ibinalik ng Starpay ang pondo na hindi naipamahagi bilang ayuda.

Kasunod nito, tila mahirap ani Belgica na magkasa ng imbestigasyon kung wala si Pacquiao sa Pilipinas para personal na makipagtulungan sa kanila.

Si Pacquiao aniya ang may hawak ng burden of proof o dapat ito ang magpatunay sa mga alegasyong ipinupukol nito at dapat din nitong mapatunayan na iba pa ang katiwaliang kanyang isiniwalat kumpara sa mga korapsyong iniimbestigahan na ng PACC.

Ayon naman kay Belgica, umaabot na sa 9,000 ang reklamong hinain sa kanilang komisyon hinggil sa iregularidad sa SAP.

Aniya, ang bawat reklamo ay naaksyunan na ng PACC, kung saan pinagpaliwanag na nila ang mga barangay official sa Ombudsman at Department of Interior and Local Government (DILG).

Samantala, nakatakdang magsampa ng kaso ang PACC laban sa tatlong opisyal na may kaugnayan sa Department of Health (DOH) habang iniimbestigahan din nito sa 9 na kaso ng umano’y iregularidad sa ahensya.

“We are probing nine cases of corruption in DOH, and Health Secretary Francisco Duque III knows it. This is ongoing,” wika ni Belgica nitong Lunes.

“For DSWD, we are investigating four cases since we received 9,000 complaints over SAP (Social Amelioration Program),” dagdag pa niya.

Sinabi ni Belgica na ang pagsasampa ng kaso ay kasunod ng pangako ng PACC na magsampa ng kaso kada linggo laban sa mga high-ranking government officials.