fbpx
≡ Menu

Anti-Subversion Law o batas para gawing krimen pagsapi o pag-anib sa communist groups, ipinababalik

Anti-Subversion Law o batas para gawing krimen pagsapi o pag-anib sa communist groups, ipinababalik

Nais ng Department of Interior and Local Government (DILG) na muling ibalik ang batas laban sa ‘subversion’ o supersibo na layong walisin sa lipunan ang mga progresibo’t militanteng grupo.

Sa ilalim kasi ng nasabing batas, mahigpit na ipagbabawal sa sinuman ang pagsapi o pag-anib sa alinmang progresibong grupong nagsisilbi umanong front ng Communist Party of the Philippines (CPP) tulad ng New People’s Army (NPA).

Kasunod ito ng balitang may mga kabataan ang nawawala matapos na i-recruit ng NPA.

Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, nasa 500 hanggang 1,000 mga kabataan ang sumasailalim sa indoctrination ng mga rebelde kada taon.

Ang muling pagbuhay sa ‘Anti-Subversion Law’ ay posibleng magbigay suporta sa Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng National Task Force para tapusin ang pakikibaka sa mga lokal na komunista.

Suportado din ng Philippine National Police (PNP) ang sinusulong ni Año na muling pagbuhay sa panukalang batas.

Sinabi ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde na dapat pa rin itong isailalim sa masusing pag-aaral bago tuluyang ipasa ng Kongreso.

Giit pa ni Albayalde, kaunti na lamang ang bilang ng NPA kaya nanghihikayat ito sa mga kabataang umanib kaya umaatake daw ang grupo para ipagmalaki sa publiko na malakas pa rin ang kanilang puwersa.

Kapansin-pansin din daw na nagbago ang kanilang atensyon nang naging “offensive mode” na ang militar at pulisya mula sa dati nilang “defensive mode,” kaya umaaray na ang mga militante ngayon.

Matatandaang taong 1957 nang gawing krimen ang subversion sa ilalim ni dating Pangulong Carlos Garcia bilang pantapat sa Hukbalahap o Hukbong Laban sa Hapon, subalit tinanggal ito ni dating Pangulong Fidel Ramos taong 1992 bilang pagkilala sa usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA.