in

Archbishop Socrates Villegas at Bishop Pablo David, ikinanta sa bagong affidavit ni Bikoy

Isasama sa gagawing imbestigasyon sa “Ang Totoong Narcolist” propaganda videos ang mga bagong personalidad na pinangalanan ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy sa kaniyang affidavit na isinumite sa pulisya.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde, isiniwalat ni Bikoy na nakipag-meeting siya kina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, isang Father Robert, Caloocan Bishop Pablo Virgilio David at dating Education Secretary Armin Luistro sa magkakahiwalay na pagkakataon at unibersidad.

“Noong December 12, 2018, Miyerkules bandang 6:00 ng gabi kami ay nagpulong muli sa Jesuit Residences sa Ateneo De Manila University (ADMU) kasama sina Jonel, Father Alejo at Arch Bishop Socrates Villegas upang pag-usapan ang lakad nina Father Alejo at Father Villanueva. Noong February 9, 2019 ng 6:00AM ay umalis kami ni Father Alejo sakay ng Grab galing sa Jesuit Residences papuntang Bishop House ng Diocese ng Caloocan at doon ay nagkaroon ng pagpupulong kasama sina Bishop Pablo Virgilio David o Bishop Ambo, Senador Trillanes at Jonel at dito napag-usapan ang gagawing pag-iingay sa darating na halalan,” nilalaman ng affidavit ni Advincula.

Kanilang pinag-usapan umano sa naturang pulong kung paano isasapubliko ang tungkol sa pagkakadawit ng pamilya Duterte sa iligal na droga para mapatalsik si Pangulong Rodrigo Duterte at masiguro ang pagkatalo ng mga pro-administration candidate sa katatapos na eleksyon.

Ipatatawag umano ng PNP ang mga bagong personalidad na binanggit ni Bikoy para magbigay-linaw sa mga akusasyon.