Leni Robredo, pumalag sa pag-uugnay sa kanya ng uploader ng ‘Bikoy’ videos na si Rodel Jayme

Leni Robredo, pumalag sa pag-uugnay sa kanya ng uploader ng ‘Bikoy’ videos na si Rodel Jayme

Tila umalma ang kampo ni Vice President Leni Robredo ukol sa pag-uugnay sa kanya sa naarestong uploader ng ‘Bikoy’ propaganda videos na si Rodel Jayme.

“Malinaw na paninira na naman ito. Ayon sa kuwentong ipinipilit ibenta kasabay ng photo, si VP Leni daw ang nasa likod ng pagkilos nitong si Jayme,” paliwanag ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo.

“Para sa kalinawan ng lahat: walang “Rodel Jayme” na nagtatrabaho para sa OVP o kay VP Leni,” aniya pa.

Kumakalat kasi ngayon sa social media ang ilang mga litrato ni Rodel Jayme na kasama si Robredo pero ayon kay Gutierrez, hindi umano ito sapat na pruweba na may kaugnayan silang dalawa.

“Kung totoo man na siya nga ang nasa photo kasama ng Bise Presidente, siya ay isa sa libu-libong naging supporter noong kampanya ng 2016 na bumibisita sa opisina at nagpakuha ng picture kasama si VP Leni,” dagdag pa ni Gutierrez.

“Wala itong napapatunayan kundi madaling maghanap ng photo sa Facebook, at gumawa ng anumang kuwento tungkol dito, gaya ng ilang ulit nang ginawa sa mga miyembro ng oposisyon, kasama na si VP Leni. Nakakalungkot na ang isang sumuporta kay VP Leni, na hinuli at ngayo’y pinagbabantaang kakasuhan, ay gagamitin pa sa ganitong klaseng paninira.”

“Ito’y isa na namang paraan para isantabi ang mga seryoso at lubos na nakakabahalang alegasyon sa exposé video sa pamamagitan ng pagdikit nito kay VP Leni at sa oposisyon.”

“Nakapagtataka lamang na imbes na tingnan muna kung may katotohanan ang mga malalim na alegasyon sa video—halimbawa, sa simpleng pag-verify ng mga binanggit na bank accounts—mas binigyan pa ng pansin ang pag-imbestiga sa gumawa at naglabas nito,” mga pahayag ni Gutierrez.

Sa ngayon ay hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) si Jayme na siyang administrator ng website na metrobalita.com at siyan nag-upload at nagpapakalat ng mga black propaganda videos laban sa pamilya Duterte.