in

Clark International Airport, naisaayos ng wala pang 48 oras matapos mapinsala ng magnitude 6.1 na lindol

Naisaayos agad ng wala pang 48 oras ang Clark International Airport matapos mapinsala ng magnitude 6.1 na lindol, at mamayang ika-4:00 ng hapon ay balik-operasyon na ito.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr) at Clark International Airport Corporation (CIAC), agad na naisagawa ang mga kinakailangang pagkukumpuni sa Passenger Terminal Building (PTB) at Control Tower na kabilang sa mga istrukturang napinsala sa pagyanig.

Ikinatuwa ni DOTr Secretary Arthur P. Tugade ang mabilis na pagtugon sa direktiba niyang masusing suriin ang structural integrity ng paliparan, kasama na ang itinatayong Terminal 2, at madaliin ang pagkukumpuni sa mga napinsalang pasilidad upang agarang maibalik ang serbisyo sa mga pasahero.

“Ang nangyari ‘ho ay isang kalamidad na kailangang agad na tugunan. Sa mga ganitong panahon, napakahalaga ng transportasyon upang dalhin sa kaligtasan ang mga tao. Ang sabi ng Pangulong Duterte, siguraduhin na agad maisasaayos at matutulungan ang mga tao. Kaya kami ‘ho sa DOTr, CIAC at BCDA ay puspusan ang ginawang pagkukumpuni ng mga istruktura upang maibalik sa normal ang operasyon dito sa Clark Airport. Lahat po ng maaaring ibigay, mula sa pagkain, libreng sakay, ibinibigay ho namin,” ani Secretary Tugade.

Matatandaang ipinag-utos ng kalihim sa mga opisyal ng CIAC ang pagpapatupad ng emergency procurement para sa pagbili ng mga kagamitan at pagkuha ng mga serbisyong kailangan sa pagkukumpuni sa mga napinsalang pasilidad sa paliparan.

Umabot naman sa P30 million ang kabuuang halaga ng pinsala sa paliparan at tinatayang 110 flights ang naapektuhan kasunod ng pagsuspinde sa operasyon ng paliparan bunsod ng lindol.

Agad na sinimulan nitong umaga ng Martes, ika-23 ng Abril, ang clearing operations at repair sa paliparan, partikular sa pre-departure area kung saan bumagsak ang malaking bahagi ng kisame nito.

Naibalik na rin ang suplay ng kuryente sa paliparan, maging ang pag-operate ng flight information systems at CCTV bago ang muling paglulunsad ng mga flight ngayong araw.

Samantala, walang naiulat na pinsala sa runway at taxiway ng paliparan, gayundin sa itinatayong bagong Passenger Terminal Building (PTB).