12-M supporters ng revolutionary government mula sa iba’t ibang sektor ng bansa, makikiisa sa megawide rally

Kasado na ang pagsasama-sama ng nasa higit 12 milyong miyembro ng pro-revolutionary government mula sa iba’t ibang sektor sa bansa na pumapabor sa pagsusulong ng isang bagong pamahalaan o revolutionary form of government.

Ayon kay Abner Malabanan, tapagsalita ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC), malaki aniya ang magagawa ng bagong konsepto ng pamamahala para sa mas mabilis na pagtugon sa mga usaping panlipunan partikular na malawak at pantay na distribusyon ng kapangyarihan at pondo sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Aniya, mayroon na silang inihain na limang klase ng konstitusyon na kasalukuyan nang nasa tanggapan ni Pangulong Duterte.

Hinihintay na lamang nito ang tugon ni Pangulong Dutere upang tuluyan nang maisakatuparan ang pagbabago ng bansa.

Ayon kay Malabanan, sa kasalukuyang estado ng pamahalaan, halos nasa National Capital Region (NCR) nakalaan ang malaking bahagi ng pondo ng national government habang maliit nalang ang napupunta sa ibang rehiyon ng bansa, bagay na nagdudulot ito ng malawakang problema ng kahirapan.

Pero sa ilalim ng bagong pamahalaan, naniniwala sila na mas madaling maipatutupad ng pangulo ang mungkahing pederalismong gobyerno na ikauunlad umano ng bansa mula sa seguridad, edukasyon, hanapbuhay, at ekonomiya.

Giit pa ni Malabanan, mahigit sa tatlong siglo na rin ang konstitusyon ng bansa at kinakailangan na aniya itong palitan ng mas naayon sa kasalukuyang sistema at pamumuhay ng taumbayan.

Ilan sa mga inaasahang personalidad na dadalo sa nasabing rally sa Pebrero 22 ay sina action star Robin Padilla, Alma Moreno, Matet de Leon at kasalukuyan pa silang nangangalap ng mga live performers at indibidwal na nais makiisa sa nasabing aktibidad.

Samantala, mariing ipinakiusap din ng grupo sa mga otoridad na hulihin, arestuhin at ikulong ang mga miyembro na manggugulo at lalabag sa mga ipinatutupad ng pamahalaan partikular sa kasalukuyang laban sa pandemiya dulot ng COVID-19.