Mister, matiyagang itinutulak sa wheelchair ang misis na may stage 5 cancer upang maipa-dialysis

Mister, matiyagang itinutulak sa wheelchair ang misis na may stage 5 cancer upang maipa-dialysis

Umantig sa puso ng netizens ang larawan ng isang mister na matiyagang tinutulak sa wheelchair ang misis niya patungo sa dialysis center.

Ayon sa Facebook post ng Philippine Star, limitado pa rin ang mga sasakyan kaya naman sinikap na lamang ng mister na si Manolito Palacio na madala pa rin ang misis niyang si Marilou sa isang dialysis center sa Fairview sa Quezon City.

Napag-alaman na stage 5 kidney disease ang iniindang karamdaman ni Marilou kaya naman labis itong nangangailangan ng medikal na atensyon.

Tinatayang nasa 12 kilometro ang tinatahak nilang layo dahil sa nagmumula pa sila sa Bagong Silang, Caloocan City.

Dahil dito, diniskartehan na ni Manolito ang kanyang bisikleta at idinikit niya ito sa wheelchair ng misis upang kahit na paano’y mas mapabilis ang kanilang biyahe.

Bukod kasi sa limitado pa rin ang mga sasakyan sa buong Metro Manila, malaking pagtitipid din ang ginagawa ng mag-asawa dahil matumal ang kita ng mister.

Sa ngayon kasi ay suma-sideline lamang daw si Manolito kung saan siya kumikita ng P1,000 ngunit hindi regular.

Sadyang malaking suliranin ang naidulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na ramdam ng karamihan nating kababayan.

Tulad na lamang ni Manolito, hindi lamang ang COVID-19 ang pinangangambahan kundi ang pagkalam ng kanilang sikmura at ang malubhang karamdaman ng misis na si Marilou.