‘DI DAPAT BUMILI NG GADGETS: DepEd, magbibigay ng printed modules sa mga estudyante para sa online learning

‘DI DAPAT BUMILI NG GADGETS: DepEd, magbibigay ng printed modules sa mga estudyante para sa online learning

Tiniyak ng Department of Education (DepEd) sa mga magulang na ang printed modules o learning materials ay ibibigay sa kanilang mga anak kasabay ng pagbubukas ng school year sa Agosto sa gitna ng pandemya.

Ito ang pagtitiyak ng kagawaran sa gitna ng pangamba ng mga magulang na mapipilitang bumili ng bagong gadgets para sa kanilang mga anak tulad ng laptop, tablet, pocket wifi, cellphone, personal computer at iba pang electronic device para makalahok sa bagong paraan ng pagtuturo.

Ayon kay Education Undersecretary and Spokesperson Atty. Nepomuceno Malaluan, hindi kailangan ng mga magulang na bumili ng bagong gadgets dahil ipapadala nila sa kanilang mga bahay ang learning modules para sa kanilang mga anak.

“For those who do not have gadgets, you are not required to buy new ones to be able to take part in the new modes of learning,” sabi ni Malaluan.

“We are preparing printed learning modules that would be brought to the homes (of the students) or may be picked up in coordinated (locations),” dagdag pa niya.

Ang printed modules ay competency-specific materials sakop ang ilang key elements ng isang lesson, mula sa motivation, instruction, at assessment.

Ang printed modules ay para sa mga estudyante na walang access sa internet at digital devices.

Bukod sa learning materials, bahagi rin ng blended at distance learning modalities na iniaalok ng DepEd ay mga online learning platforms at TV at radio-based instruction.

SUPORTADO NG PANGULO

Nabatid na aprubado kay Pangulong Rodrigo Duterte ang plano na ‘blended learning’ na isinusulong ng DepEd sa pagbubukas ng klase sa gitna ng pandemya.

Suportado ito ng Pangulo pati ang paghahanap ng pondo para masiguro na maayos itong maipatutupad ng DepEd.

Paliwanag ni DepEd Sec. Leonor Briones sa isinagawang televised meeting ng IATF kasama ang Pangulo, sa ilalim umano ng blended learning, tuturuan ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng printed modules.

“We fully and completely support your stand that our children should not be exposed to the dangers of COVID-19 physically, but we are also offering opportunities for them to continue their studies and their learning,” ani Briones.

Magugunitang sinabi ng Pangulo na hindi siya pabor na magkaroon ng face-to-face classes hangga’t walang nadidiskubreng bakuna laban sa COVID-19.

PRESYO NG MGA GADGETS

Nanawagan si Senator Imee Marcos sa pamahalaan na bantayan ang presyo ng laptop, tablet, pocket wifi, cellphone, personal computer at iba pang electronic device ngayon na naghahanda na sa online learning ang mga paaralan sa pagbubukas ng klase.

Ayon kay Marcos, maraming mag-aaral ang posibleng maiwan o tuluyang hindi makapasok sa sinasabing virtual o online learning na siyang ipatutupad ngayon pasukan dahil sa kakapusan ng budget para sa nasabing online learning.

“Kung sobra-sobra naman sa mahal ang mga gadget na yan, eh papaano pa makakayanang bumili ng mga magulang? Kailangang ibaba ang presyo ng mga mobile at electronic device o gadget na gagamtin ng mga mag-aaral sa darating na pasukan. Kailangang tulungan natin ang mga estudyante,” pahayag ni Marcos.

Nagbabala rin si Marcos sa mga tiwaling negosyante na huwag samantalahin ang mataas na demand ng gadgets lalu na ngayon panahon ng COVID-19 dahil sa may kaukulang parusang nakatakda sa sobrang pagpapatong ng presyo sa kanilang paninda.

“Dapat bantayan ng gobyerno ang hindi makatuwirang pagtaas ng presyo ng mga mobile at electronic device. At sana naman, kung maaaring mapababa ang presyo dahil mga estudyante naman ang makikinabang nito ngayong pasukan,” dagdag pa ni Marcos.

Nanawagan din si Marcos sa mga negosyante na mag-alok ng mga pautang sa mga estudyanteng kapos sa kanilang budget at hikayating bumili ng mga second hand mobile at electronic device.

“Hindi dapat samatalahin ng mga salbaheng negosyante ang mataas na demand ng mobile at electronic device at gadget. Dapat makulong sila kung mahuhuling nagsasamantala sa kanilang mga estudyanteng customers,” pagtatapos ni Marcos.