fbpx
≡ Menu

Police General na hepe ng EPD, sibak sa pwesto dahil sa pananakit sa isang babaeng pulis

Sinibak sa pwesto ang hepe ng Eastern Police District (EPD) matapos manakit at pagsalitaan ng masasama ang isang babaeng pulis.

Sa isang pahayag, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Guillermo Eleazar na kinompronta ni EPD director Brig. Gen. Christopher Tambungan ang pulis na si Cpl. April Santiago sa isang Police Community Precinct (PCP) sa Greenhills, San Juan City.

Sa CCTV footage ay mapapanood na nakasakay si Tambungan sa kaniyang sasakyan nang tamaan sa ulo si Santiago.

Maliban dito, binangga pa ni Tambungan si Santiago ng pinto ng kotse habang nagbibitaw ng masasakit na salita laban dito.

Hindi kasi aniya makapaghain ng reklamo si Santiago sa takot na sawayin siya nito.

Matapos ang inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Eleazar na naniniwala siya sa akusasyon laban kay Tambungan kaya ipinag-utos nito ang pagsibak sa EPD director.

“I further believe that the physical actuation of Gen. Tambungan, including his alleged verbal abuse upon his victim, is unjustified and completely unbecoming of an officer of the PNP,” saad ni Eleazar.

Nangako naman ang NCRPO director Eleazar na magsasagawa ng “full and impartial investigation” sa insidente.

“Incriminating evidence ito eh… Because of this one, eh minabuti ko na temporary ire-relieve natin siya… Nandito ako bilang Regional Director na magbibigay ng proteksyon sa lahat ng kasamahan natin na tingin natin is inaapi so itatama natin ‘yan. But just like what I’ve said meron tayong imbestigasyon na gagawa, due process para sa lahat,” sabi ni Eleazar.

Si Tambungan ay inilipat sa NCRPO habang si EPD deputy director for administration Col. Florendo Quebeyen ang pansamantalang tatayo bilang EPD director.