Kotseng nang-araro ng ilang tao at sasakyan, pinagbabato sa Maynila; isang lalaking guro, patay matapos mabangga

Kotseng nang-araro ng ilang tao at sasakyan, pinagbabato sa Maynila; isang lalaking guro, patay matapos mabangga

Hinabol at pinagbabato ng galit na taumbayan ang driver ng isang kotse sa Sampaloc, Maynila na nakabangga ng hindi bababa sa dalawang tao at sampung sasakyan.

Nangyari ang insidenteng nag-ugat daw sa tangkang pagtakas ng motorista sa isang traffic violation.

“Hinahanapan ng lisensya itong driver, so nung pinakitaan ng lisensya, ang sabi allegedly peke ‘yung license. Then biglang hinarurot ‘yung sasakyan niya,” ayon kay Police Captain Jaime Gonzales Jr., hepe ng Manila Police Vehicle Traffic Investigation Section.

Nakahagip ang kotse ng ilang tao, poste ng ilaw, puno, at isang hilera ng mga nakaparadang motorsiklo nang subukang dumaan sa isang eskinita sa ilalim ng Nagtahan Flyover.

“Ang bilis ho ng dating eh. Pagdating ho roon, pinipilit talagang isiksik. Lumipad ‘yung bumper, tumama sa paa ko ‘yung bumper,” ayon kay Rodolfo Paulino, isa sa mga biktima.

Dahil ayaw paawat ng driver, nagtulong-tulong ang ilang lalaki sa pambabato sa kotse.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang isa sa mga sakay ng naturang sasakyan pero hindi muna pinangalanan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property and physical injuries at resistance and disobedience to agent or person in authority ang tinutugis pa ring driver.

Sa isang video footage na in-upload sa Facebook, makikita na pinagbabato ng malaking bato, kahoy at maging martilyo ang windshield ng kotse.