in

Pangulong Duterte, itinatag ang isang komite para sa pagdalo ng Pilipinas sa Expo 2020 Dubai

Itinatag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Organizing Committee (POC) para sa gagawing paglahok ng bansa sa Expo 2020 sa Dubai, United Arab Emirates.

Sa bisa ng Administrative Order No.17 na pinirmahan ng Pangulo, ang POC ang babalangkas at magpapatupad ng mga plano para maipakilala ang Pilipinas sa buong mundo bilang magandang destinasyon para sa kalakalan, turismo at pagnenegosyo.

Aakto rin ang POC bilang coordinating body sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor para matiyak na lahat ng mga programa at aktibidad ay maipatupad sa paglahok ng Pilipinas sa Expo 2020 Dubai sa pagitan ng Oktubre 20, 2020 hanggang Abril 10, 2021.

Naniniwala ang administrasyong Duterte na isa itong magandang oportunidad para mapabuti pa ang presensya ng Pilipinas at ma-ipromote ang commercial at public interest sa Middle East, Africa at South Asia Region.

Kabilang sa komposisyon ng POC ang kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) na siyang aaktong Chairperson at Commissioner-General; kalihim ng Department of Tourism (DOT) bilang Vice- Chairperson; mga miyembro at kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Budget and Management (DBM), Department of Labor and Employment ( DOLE), Department of Science and Tachnology ( DOST) at Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sinasabing, ang POC ay popondohan mula sa contingent fund ng 2019 national budget pero kailangang dumaan muna ito sa pag-apruba ni Pangulong Duterte.