2 binatilyong namahagi ng relief goods para sa mga evacuees ng pagsabog ng Taal Volcano, nasawi sa aksidente

2 binatilyong namahagi ng relief goods para sa mga evacuees ng pagsabog ng Taal Volcano, nasawi sa aksidente

Nasawi sa aksidente ang dalawang lalaki habang pauwi mula sa pagbibigay ng mga relief goods sa mga biktima ng pagsabog ng Taal Volcano.

Sakay ng kotse na nabangga ng isang truck, pumanaw sina Maximino Alcantara III at Rio John Abel habang binabagtas ang kalsada sa Banaybanay, Batangas.

Nag-viral sa Facebook ang pagpanaw ng dalawang bayani kung saan binahagi pa ng guro ni Rio na si Maria Cristina Floren ang kabaitan ng kanyang estudyante.

“Proud na proud ako sayo kase napakasipag mo daw sa work mo. Nakakaproud na kahit makulit ka nuon ay may mabuti kang puso para tumulong sa nangangailangan nating kababayan. Gone too soon Rio,” ayon kay Floren.

Napag-alaman na nagawa pa raw ni Rio na tumawag upang makahingi ng tulong dahil sa naiipit na raw ang paa nito ngunit kalaunan ay pumanaw din ito.

Nanghihinayang din ang mga magulang ni Rio na agad itong nawala dahil marami pa itong nagagawang kabutihan maging sa huling oras na pala ng kanyang buhay.

Itinuturing na bayani ang dalawa dahil sa kanilang pagbibigay ng relief goods sa mga nasalanta kahit lubhang delikado ang daan dahil sa ashfall mula sa Taal Volcano.