Ina ni Christine Dacera, ibinunyag na tatlong production company ang nag-offer na gawing pelikula ang buhay ng anak

Ibinunyag ng ina ni Christine Dacera, na tatlong production company ang nagpakita ng interes na gawing pelikula ang buhay ng nasawing flight attendant.

Sa isang panayam, sinabi ni Sharon na tumanggi siya sa alok ng tatlong kumpanya at nais nitong pagtuunan ng pansin ang kontrobersiyal na pagkamatay ng anak.

Aniya, nag-iingat sila dahil baka maapektuhan ng biopic ang hatol ng korte laban sa mga kaibigan ni Christine.

“Three production companies offered to make a biopic about Christine, but I did not say yes because the case of my daughter is still ongoing,” ani Sharon.

“For now, we just want to focus on my daughter’s case. Baka kasi ma-technical kami kasi ongoing pa ang kaso,” dagdag pa niya.

Kasabay nito, nilinaw ng producer na si Dennis Evangelista na wala pang naisasapinal na kasunduan hinggil sa balak na biopic.

Batay kasi sa lumabas na impormasyon, nag-uusap na sina Evangelista at Sharon kung saan ang 20-year-old actress na si Bianca Umali raw ang sinasabing gaganap bilang si Christine.

Usap-usapan din na sesentro ang biopic sa gabi na natagpuang patay sa bath tub ang 23-anyos na flight attendant sa isang hotel sa Makati.

Matatandaan sa isinapublikong awtopsiya sa labi ni Christine ay nasawi sa ruptured aortic aneurysm ang dalaga, na hindi naman matanggap ng pamilya nito at iginigiit na may krimen sa insidente.

.