Nancy Binay, hinamon ang mga DOTr officials na mag-commute habang nasa ilalim ng general quarantine ang Metro Manila

Nancy Binay, hinamon ang mga DOTr officials na mag-commute habang nasa ilalim ng general quarantine ang Metro Manila

Hinamon ni Senator Nancy Binay si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade at iba pang mga government transport officials na mag-commute para maranasan nila kung gaano kahirap ito ngayong pinapatupad ang general community quarantine (GCQ) sa halos lahat ng mga lugar sa bansa.

Sa ngayon, ipinagbabawal pa rin ang jeep sa ilalim ng GCQ habang puwede namang bumiyahe ang mga tren tulad ng MRT-3, LRT at PNR, gayundin ang mga taxi, TNVS at limitadong bilang ng mga bus.

“Ano ba talaga ang plano ng DOTr sa commuters? Three months under ECQ and still they have no clear plan in place. What happened to foresight? Mabuti sila’t aircon ang mga sasakyan,” sabi ni Binay.

“Eh kung subukan kaya ng mga opisyal ng DOTr mag-commute mula sa kani-kanilang bahay papasok sa opisina nila (sa Clark City o Ortigas)? Dapat maramdaman nila ang hirap na pinagdadaanan ng mga commuter. They won’t be able to plan well if they don’t feel and understand the people’s daily struggles,” dagdag pa nito.

Diin ni Binay, malinaw aniya na hindi handa ang gobyerno na i-manage ang mobility requirement sa ilalim ng GCQ dahil wala namang sapat ng bus o public transportation para ihatid ang mga mananakay patungo sa kanilang trabaho.

“Napaka-unfair sa commuters na yung mga private vehicles walang restrictions bumyahe. Napakalimitado ng choices nila. DOTr knew that Metro Manila and the rest of the regions will soon be transitioning to the ‘new normal’,” ani Binay.

“They knew that 30% of those in NCR will start going to work by June 1–tapos ang idi-deploy eh truck ng libreng sakay which compromise and breach all health protocols particularly physical distancing,” dagdag pa nito.

Paniwala ni Binay, patuloy pang mararanasan ng mga manggagawa ang hirap sa pagbiyahe hangga’t hindi ito ginagawan ng paraan ng mga transportation executive.

“Di po lahat ng pupunta sa trabaho eh sa EDSA o sa Commonwealth dumadaan. Yung pagba-ban ng jeepneys sa kalsada ay unrealistic, anti-commuter at anti-worker,” ayon kay Binay.

“Obviously, DOTr is favoring a certain segment of the mass transport sector, while ignoring and isolating the biggest public transport segment which the majority of the commuting public depend on,” dagdag pa nito.

Dahil hindi pa pinayagang makabiyahe ang mga jeep, malaki aniya ang epekto nito hindi lamang sa ekonomiya kundi sa pamilya ng mga tsuper.

“Healing is not abandoning one of the most vulnerable sectors that move people and economy. When you exclude the jeepneys from the equation, you also have abandoned 250,000 families–and their children are the ones who suffer the most,” paliwanag ni Binay.

TUGADE KUMASA SA HAMON

Tila kumasa na hindi si Tugade kundi ang isang opisyal ng DOTr sa hamon ni Binay na mag-commute ang kalihim sa habang pinapatupad ang GCQ sa bansa.

Ibinahagi ni Transportation Assistant Secretary Goddess Libiran sa Facebook ang larawan ni Tugade na nag commute o sumakay sa tren.

Nagpatutsada pa si Libiran kay Binay at tinanong kung kailan ito huling nag-commute.

Sinabihan ni Libiran si Binay na hindi na kailangang hamunin si Tugade na mag-commute dahil noon pa ito ginagawa ng kalihim ng walang fanfare at media.

Kasabay nito, may patutsada din si DOTr Assistant Secretary Alberto Suansing sa hamon ni Binay na gumamit ng pampublikong sasakyan upang maranasan nila ang paghihirap ng commuter.

“Lahat ng opisyales ng DOTr, 2 araw nang nakababad sa kalsada. Sumasakay din kami sa mga bus at tren para obserbahan ‘yung mga nagaganap na pangyayari. Hindi na kailangan ‘yung challenge,” sabi ni Suansing.

“Kami’y inutusan ni Secretary [Arthur Tugade] na gawin ‘yun. Gusto niyang makita, maranasan naming ‘yung hirap ng mga pasahero,” dagdag pa nito.