I-CHECK NILA YUNG RECORDS! Manny Pacquiao, rumesbak sa mga kumukuwestyon sa kanyang diploma

Iginiit ni Senator Manny Pacquiao na pinaghirapan niya nang 11 taon ang kanyang diploma sa kabila ng mga pumupuna sa kanyang education background.

Nag-aral din si Pacquiao ng political science sa University of Makati.

Paliwanag niya na kumuha siya ng ‘informal education’ para matapos ang kanyang kurso dahil sa masyado pa siyang abala noon sa boxing.

“Mas madali nga ‘yung sa kanila kasi 4 years lang nila kinukuha ‘yung course nila, sa akin nga itong political science from 2008 to 2019, eleven years, kung nakuha ko ng 4 years ‘yan laking saya ko,” ani Pacquiao.

“Ako mahaba, 2008, i-check pa nila ‘yung record nag enroll ako ng college noong 2008. Sa Notre Dame University sa General Santos City, check nila ‘yung record doon, pumapasok po ako araw araw noong 2008 noong nag college ako, after that noong natapos ko po ‘yung first year college naghanap po ako ng informal education dahil hindi ko po magampanan dahil active pa po ako sa boxing kaya nakakuha ako ng diploma 2019 na,” dagdag niya pa.

Nagpahaging din siya sa kanyang mga kritiko, lalo na ang miyembro ng simbahan.

“Sa mga nanghuhusga diyan especially belong to the church, nagtuturo ka pa naman ng salita ng Panginoon tapos nanghuhusga ka na, hindi ‘yan, si Jesus nga hindi nanghuhusga ng tao eh kahit na makasalanan ‘yung tao,” sabi niya.

Matatandaang isa si Pastor Apollo Quiboloy sa mga kilalang pumuna sa boxing champ sa gitna ng isyu sa pagitan nila ni Pangulong Rodrigo Duterte.