fbpx
≡ Menu

Grace Poe, pumalag sa patutsada ni Pangulong Duterte na ‘atribida’ kaya hindi masolusyunan ang lumalalang trapik

Iginiit ni Senator Grace Poe na ginagawa lang niya ang kanyang trabaho sa pamamagitan ng paghimay sa panukalang emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para masolusyunan ang lumalalang trapik sa Metro Manila.

Sagot ito ni Poe kasunod ng naunang sinabi ng Pangulo noong nakaraang buwan na walang siyang magawa sa matinding trapik dahil sa isang ‘atribida’ na kontra sa pagbibigay sa kanya ng emergency powers.

“Hindi puwedeng magbibigay ka nang nakapikit lang ang mata mo. Kailangan ay talagang nakadilat ka at tinitingnan mo, ito iyong solusyon, ito rin ang safeguards,” pahayag ni Poe.

“Kung atribida, kung ako nga ba iyon, ang masasabi ko lang pasensya na, trabaho ko ang ginagawa ko. Kung sa tingin nila may magandang solusyon, sa tingin ko responsibilidad nilang lahat na ihayag iyan,” dagdag pa niya.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, muling iginiit ni Transportation Secretary Arturo Tugade na kailangan na ni Pangulong Duterte ng emergency powers upang malutas ang problema sa matinding trapiko sa bansa lalo na sa Metro Manila.

Subalit binara siya ni Poe sa pagsabing maraming puwedeng magawa ang gobyerno para masolusyunan ang problema sa trapik kahit wala ang emergency powers.

“Marami silang pwedeng nagawa na hindi pa nila nagagawa, hindi nila kailangan ng emergency powers para madagdagan ang train, ‘yun palang mga train ng Dalian ni isa walang tumatakbo nang maayos. Hindi kailangan ng emergency powers para patakbuhin ‘yan,” sabi ni Poe.

“Pangalawa, ‘yung mga sinasabi nila para mapabilis ang procurement, meron na tayong batas na pinapayagan din ‘yan. Pangatlo, ‘yung right of way issue, meron ding direktiba ang Korte Suprema na pagdating sa mga bagay na injunction na ganyan hindi rin dapat nag-iisyu ang lower courts,” dagdag niya.

Kung nagawa aniyang ayusin ang problema sa Boracay na walang emergency powers na ibinigay kay Pangulong Duterte, kaya ring gawin ito sa problema sa trapik sa Metro Manila.

“Yung plano nila hindi naman kailangan ng emergency powers para i-submit ‘yan kaya siguro hindi ko na rin napigilan ang aking sarili na magsalita sa ngayon sapagkat nasa kapangyarihan nilang gawin ang dapat nilang ginagawa pero hindi nila ginagawa eh kasi sinasabi nila walang emergency powers,” ani Poe.

“Bakit ang Boracay wala namang emergency powers naayos nila agad dahil nagkaroon ng direktiba ang ating Pangulo na dapat kumilos sila,” dagdag pa ng senadora.

Matatandaan na sinabi ng Pangulo na sinisikap nilang malutas ang problema sa EDSA subalit pinagdudahan pa sila sa hinihinging emergency powers.

Dahil dito, nawalan aniya siya ng interes kaya’t hahayaan na lamang na mabulok ang EDSA sa problema sa matinding trapik.

“We need to borrow for EDSA because we need money to just even move one stall there. So ang hinihingi nila emergency powers,” anang Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na hindi masamang magkaroon ng krusada subalit para pag-isipan ang lahat ng mga opisyal ng gobyerno na tiwali ay hindi aniya tama.

“But here comes a lady, atribida ang tawag ko diyan. Well its good to be honest, its good to be a crusading public official, no doubt about it. You will be appreciated. But kung sumobra ka, and you think that all elected officials in government are corrupt, sabi ko kung ganyan ang pag-iisip niya, huwag na. Let EDSA rot there,” dagdag pa ng Pangulo.