≡ Menu

Netizens, nanawagan na iligtas ang mga naiwang hayop sa mga bayan sa Batangas na nabalot na ng makapal na abo at putik

Netizens, nanawagan na iligtas ang mga naiwang hayop sa mga bayan sa Batangas na nabalot na ng makapal na abo at putik

Nakiusap ang mga netizen na iligtas ang mga hayop na naiwan sa mga bayan sa Batangas na nabalot na ng makapal na abo at putik matapos ang ashfall ng Taal Volcano.

Ang panawagan ay matapos kumalat sa social media ang mga litrato kung saan makikita na iniwan ang mga hayop sa gitna ng pag-aalboroto ng bulkan.

Kung delikado anila sa mga tao ang ashfall, lalong higit sa mga hayop.

“Ang sakit lang sa dibdib na makita na pati mga hayop ay unti unti na rin nawawalan ng tahanan at namamatay dahil sa nangyari sa Taal. Naiyak ako nung makita ko ang mga litrato. Magdadasal ako para sa inyo at sa mga taong labis na naapektuhan,” tweet ng isang netizen.

“Sobrang frustrating na gustong-gusto mong tumulong sa mga hayop lalo na yung mga nastranded sa Taal pero ni konti wala kang magawa. I feel so bad,” saad pa sa isang tweet.

“Sana naman hindi lang tayong mga tao ang ine-evacuate ng mga LGUs sa mga effected areas ng Bulkang Taal. Sana isama din ang mga dog, cats, at iba pang hayop na makita natin sa daan. Hindi lang naman tayo ang may karapatang mabuhay,” tweet ni Sasha Jose.

“Mga hayop ang tunay na nabiktima sa Taal, katunayan lang na karamihan parin sa atin ang mga makasarili, nakakalungkot isipin na yung ibang tao ay hindi pinapahalagahan ang buhay ng mga hayop. Mas maituturing silang mga hayop kesa sa mga alaga nila,” saad sa tweet ni Louelle Loyola.

Una ng nag-paalala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga residenteng apektado sa pag-aalboroto ng bulkan na gawin ang kanilang makakaya para mailigtas ang mga alagang hayop.

“Alam natin na ang mga tao dun ay nagsilikas na, pero kung kaya nating alagaan [ang mga hayop] temporarily alagaan po natin,” sabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda.

“We expect na madaming endangered species, lalo na mga ibon tulad ng hornbill, na kung saan nung umalog ang lupa, ang mga hayop o ibon na ito ang unang lumipad patungo sa mainland na nakikita ng tao,” dagdag pa nito.