Mga pulis sa isang istasyon sa Angeles City, sinibak sa puwesto dahil sa video prank ng Sy Music Entertainment

Iniutos ni Mayor Carmelo Lazatin na i-relieve sa kanilang puwesto ang lahat ng miyembro ng Angeles City Police Office Station 5, matapos masangkot sa isang “April Fool’s Day” prank sa social media ang ilan sa mga tauhan nito.

Sa Memorandum No. 621 series of 2021, inatasan ni Lazatin ang hepe ng Angeles City Police na si Col. Rommel Sta. Ana Batangan,  ang pagsibak sa lahat ng pulis na nakatalaga sa Station 5.

Iniutos din nitong imbestigahan ang mga pulis at mga naging kasabwat na sibilyan na nasangkot sa isang video prank na ipinost ng SY Music Entertainment, dahil sa paglabag sa ipinaiiral na health protocols.

Nitong Abril 2, inilabas sa social media ang video kung saan dinadakip ng mga pulis ang isang  indibidwal habang nasa loob ng isang bar sa syudad.

Ginawa ang prank noong April 1 para sa sinasabing April Fools’ Day.

Sa huling bahagi ng video, sinabi ng mga pulis na hindi totoo ang naganap na hulihan at isa lang itong prank.

Ang prank video, ayon kay Lazatin, ay hindi dapat ginagawa ng pulisya habang suot ang kanilang uniporme.

Hindi pa nagbigay ng dagdag-detalye ang alkalde tungkol sa ginawang prank.

Dahil dito, ipinasasara na rin ng city hall at sinuspende ang permit to operate ng SY Music Entertainment kung saan ginawa ang prank dahil sa paglabag ng mga indibidwal sa mga health protocols gaya ng pagliban sa mga social gathering, social distancing at pagsusuot ng facemask.

Sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag ang pamunuan ng SY Music Entertainment hinggil dito.