fbpx
≡ Menu

Pangulong Duterte at Mayor Sara, pabor sa pagkakaroon ng sariling restroom para sa mga LGBTQ+

Suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ideya na paghiwalayin ang mga palikuran sa mga establisyimento para sa lesbian, gay, bisexual, transgender at queer (LGBTQ+) community, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Sinabi ni Panelo na approve kay Pangulong Duterte ang naturang konsepto matapos ang insidenteng pagbabawal sa transgender woman na si Gretchen Custodio Diez nang hulihin ng mga sekyu ng Famers Plaza dahil sa pagpupumilit na pumasok sa multi-individual ladies comfort room ng nasabing mall sa Quezon City.

“Ang sinasabi niya dapat meron nang third restroom for them. Pinag-usapan namin iyon kahapon,” ani Panelo sa isang pahayag.

“That will solve everything kasi papasok ka sa female, siyempre ‘di rin komportable ‘yung mga babae, alam nila lalaki pala ‘yon. Ganoon din sa kabila, ‘di ba? The best is you have a third restroom for them. Eh ‘di wala nang problema,” dagdag pa niya.

Para naman kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, ang pagkakaroon ng mga karagdagang “all-gender individual toilet” sa mga pampublikong lugar ang nakikitang solusyon upang matugunan ang pangangailangan ng LGBTQ+ community.

Sinabi ni Mayor Sara na ang pagkakaroon ng mas maraming all-gender individual toilets sa mga pampublikong lugar kagaya ng malls at bus stations ang nakikita niyang pinakamabuting paraan upang matugunan ang pangangailangan ng LGBTQ+ community nang hindi naaapakan ang karapatan ng mga taong may mga konserbatibong pananaw sa seksuwalidad lalo na sa parte ng mga kababaihan.

“Yes, that can be an option—an ‘all-gender’ individual CR. Like how we do it with PWDs (person with disabilities)… like how small restaurants do it,” saad ni Duterte.

Pag-aamin ni Mayor Sara na may mga babaeng naiilang kapag may mga miyembro ng LGBTQ+ ang nasa loob ng CR ng babae lalo na sa mga “multi-individual” cubicles sa ladies comfort room kaya ang all-gender individual toilets ang nakikita niyang “win-win” na solusyon para sa lahat.

“If all are for individual use, then all CRs should be (for) all gender… no distinction anymore,” paliwanag ni Mayor Sara.

Iginiit ni Mayor Sara na tutol siya sa pagkakaroon ng hiwalay na CR para sa mga miyembro ng LBGTQ+ dahil ito’y maituturing din na diskriminasyon at isang uri ng “gender segregation” sa kanilang hanay.

“CR should not be LGBTQ but for all-genders single individual use… there cannot be an exclusive LGBTQ+ CR because that in itself is discrimination. Because we segregate,” giit ni Mayor Sara.

Samantala, hindi umano dapat payagan ang mga transgender na babae na pumasok sa mga multi-individual female toilet—bilang respeto na din sa iba’t-ibang pananaw ng mga kababaihan at bilang proteksyon na din sa mga babae laban sa mga manyakis na magpapanggap na LGBTQ+ upang makapang-boso lamang sa women’s comfort room.