Kapalaran ng bansa pagkatapos ng Hunyo 15, hawak ni Pangulong Duterte

Kapalaran ng bansa pagkatapos ng Hunyo 15, hawak ni Pangulong Duterte

Nasa kamay na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang susunod na hakbang para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, naipasa na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa Pangulo ang rekomendasyon sa magiging kapalaran ng community quarantine pagkatapos ng Hunyo 15 at bahala na ang Pangulo kung aaprubahan ito.

Aniya, batay sa datos, hindi bumababa ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila at sa Cebu City kaya naman sa tingin ng kalihim ay di pa akma na mas paluwagin ang restrictions sa rehiyon.

Pero kung hindi naman paluluwagin ang lockdown ay matindi namang maaapektuhan ang ekonomiya ng bansa.

Dahil dito, maingat umano ang pagtitimbang na gagawin ni Pangulong Duterte para sa ekonomiya at kalusugan.

Posible umanong sa Lunes ng gabi humarap ang Pangulo sa bayan sa pag-anunsyo ng mangyayari pagkatapos ng Hunyo 15.

Para kay Interior Secretary Eduardo Año, mas mabuting manatili ang Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine matapos ang Hunyo 15, ngunit para naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, nais niyang ilipat ang capital region sa modified GCQ.

Inamin naman ni Año, hindi nakabubuti ang pagtaas ng bilang ng kumpirmadong kaso sa pagluluwag ng quarantine rules.

“Para sa akin, 50-50 pero mas lamang, magre-remain ‘yan (Metro Manila) sa GCQ,” ani Año.

Samantala, sinabi ni Laging Handa virtual briefing, sinabi ni Lorenzana, na namumuno rin sa National Task Force Against COVID-19, na personal niyang gusto na isailalim sa modified GCQ ang capital region.

“Although halos lahat kami ay gusto nang pumunta sa MGCQ, pero depende pa rin yun sa mga darating na araw, kung ano yung development ng infection sa Metro Manila,” paliwanag niya.

Source: Brigada News