NOOD LANG! DOH, inihayag na hindi puwede kumain, gumamit ng CR, at tumanggap ng tawag sa muling pagbubukas ng mga sinehan

Kasunod nang inaasahang pagbubukas muli ng mga sinehan sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) areas pagsapit ng Marso 1.

Nagpaalala si Dr. Eric Tayag, director ng Department of Health (DOH) Knowledge Management and Information Technology Service, sa publiko sa mga ipagbabawal na gawin sa loob ng mga sinehan.

“‘Yung sabi ko sa sinehan, hindi pupunuin ang sinehan. Bawal kumain. Bawal tumanggap ng tawag, naka-off ang telepono. Huwag kayong gagamit ng CR (comfrot room) sa sinehan hangga’t maaari, at malamang sa hindi ay mababawasan natin ‘yung risk,” sabi ni Tayag.

Dagdag ni Tayag, bawal ding magtabi ang mga manonood sa sinehan.

Maaari rin umanong kaunting screening lang ang ilabas kada-araw para magbigay-daan sa disenfection tuwing natatapos ang pelikula.

“Kung magbubukas ‘yan (cinemas) ay may ginagawa ‘yan na strategy kung saan ang bilang ng screening nila ay babawasan, maliban pa sa occupancy sa bawat sinehan. Ibig sabihin niyan ay may mga health protocols pa rin kung sakaling bubuksan,” ani Tayag.

Aniya, hindi dapat lumampas ng dalawang oras ang pananatili ng mga tao sa mga lugar na closed space tulad ng sinehan dahil mataas ang posibilidad na kumalat ang COVID-19 dito.

“Ang binigay na threshold ng Centers for Disease Control (and Prevention ng United States) sa isang kulob na lugar, hindi ventilated, dapat hindi lalagpas ng dalawang oras. ‘Pag lagpas dalawang oras na, tumataas ang risk,” wika ni Tayag.

“Maraming lugar sa Pilipinas, wala na masyadong kaso. Kung wala masyado, bakit hindi buksan? Kung palagay ninyo malalagay kayo sa panganib, ‘wag po kayong manood,” hirit pa niya.