≡ Menu

Coco Martin, may mensahe sa mga taong nais ipasara ang ABS-CBN: Sana mapukaw ang puso at maliwanagan ang isip niyo

Coco Martin, may mensahe sa mga taong nais ipasara ang ABS-CBN: Sana mapukaw ang puso at maliwanagan ang isip niyo

Nakiisa ang aktor ng “Ang Probinsyano” na si Coco Martin sa mga nananalangin na maisalba sa pagpapasara ang ABS-CBN Network.

Sa kanyang Instagram post sinabi ng aktor na malaki ang utang na loob niya sa TV network at sana’y maliwanagan daw ang mga taong nagnanais na ipasara ang istasyon na tumutulong ng malaki sa maraming buhay.

Napakaraming tao at pamilya raw ang nabigyan ng oportunidad magkaroon ng maayos na buhay dahil sa ABS-CBN lalo na sa pamamagitan ng “FPJ’s Ang Probinsyano” kung saan nabigyan ulit ng trabaho lalo na ang mga artista na nawalan ng pag-asa na muling makita ulit sa telebisyon, nagkaroon ulit ng pagkakataon para kumita at ituloy muli ang kanilang mga pangarap.

Napakalaki ng utang na loob ko sa ABS-CBN, natupad ko lahat ng pangarap ko para sa sarili ko at sa aking buong pamilya. Dahil sa ABS-CBN, napakaraming tao at pamilya na nabigyan ng oportunidad magkaroon ng maayos na buhay. Sa pamamagitan ng FPJ’s Ang Probinsyano, napakaraming taong natulungan, mula sa aming mga artista, staff at crew. Nabigyan ulit ng trabaho lalo na ang mga artista na nawalan ng pag-asa na muling makita ulit sa telebisyon, nagkaroon ulit sila ng pagkakataon para kumita at ituloy muli ang kanilang mga pangarap.

Kasama raw siya sa 11,000 na empleyado na mawawalan ng trabaho kapag naipasara ang ABS-CBN kaya umaasa siyang matulungan na ipanalangin na mapukaw ang puso at maliwanagan ang isip ng mga tao na nagnanais ipasara ang istasyon.

Higit 11,000 na empleyado po ang mawawalan ng trabaho kung ipasasara ang ABS-CBN kabilang na po ako. Paano na po ang aking pamilya at ang mga pamilya ng lahat ng nagtratrabaho sa kumpanyang ito? Dito po kami umaasa ng aming ikabubuhay.

Sa pagtatrabaho ko sa ABS-CBN ay nalibot ko na halos ang buong Pilipinas at buong mundo upang pasiyahin at pasalamatan ang lahat ng mga Pilipino na tumatangkilik sa aming mga pinalalabas. Gumagawa din po ang ABS-CBN ng mga charity events upang makatulong sa ating mga kababayan. Sa tuwing may sakuna, ang ABS-CBN ginagawa ang abot ng kanilang makakaya upang makatulong sa lahat ng nangangailangan. At ako mismo ang nakasaksi kung gaano kabuti ang hangarin ng ABS-CBN upang makatulong sa lahat ng mga Pilipino.

Hindi ko po alam kung ano ang mararamdaman ko kung mawawala ang ABS-CBN na naging malaking bahagi ng aking buhay. Sana po tulungan ninyo kami na ipanalangin na mapukaw ang puso at maliwanagan ang isip ng mga tao na nagnanais ipasara ang istasyon na tumutulong ng malaki sa maraming buhay.