≡ Menu

42-anyos na suspek na pumatay kay Christine Silawan, idinetalye ang ginawang krimen

42-anyos na suspek na pumatay kay Christine Silawan, idinetalye ang ginawang krimen

Iprinisinta sa media ni Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde si Renato Payuman Llenes, 42-anyos, ang isa sa suspek sa brutal na pagpatay kay Christine Lee Silawan.

Isinagawa ang press conference sa Camp Sergio Osmeña na headquarters ng Police Regional Office in Central Visayas (PRO-7), dalawang araw matapos maaresto si Llenes sa Bohol noong Abril 9.

Inamin ng suspek na gumawa siya ng pekeng account sa Facebook para malinlang si Silawan at pagkadismaya ang nagtulak sa kanya para pagsasaksakin si Silawan at balatan pa ang mukha nito.

Nagkakilala umano sila sa Facebook at gumamit umano siya ng tatlong dummy accounts kabilang na ang pagpanggap bilang CJ Diaz.

Madalas umano silang mag-chat at naging mag-on sila sa social media.

Nagkasundo umano silang mag-eyeball noong Marso 10 sa Sacred Heart Parish sa Lapu-Lapu City.

Nag-away umano sila nang malaman ni Silawan na matanda na siya at gumamit siya ng pekeng account.

Habang patungo ng Barangay Bangkal ay doon niya pinatay si Silawan.

Sobra umano siyang nagalit nang malaman niyang may nangyari na kay Silawan at sa ex-boyfriend nito.

Inamin din ng suspek na nakagamit siya ng iligal na droga at bangag nang gawin ang karumal-dumal na krimen.

Gunting umano ang ipinansaksak ng 42-anyos na si Llenes sa 16-anyos na si Silawan at ginamit din na pangbalat sa mukha nito.

Mahigit 30 ulit umano niyang pinagsasaksak ang biktima sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Natutunan umano niya kung paanong balatan ang mukha at leeg ni Silawan sa mga video sa YouTube at sa kontrobersyal na Momo challenge.

Labis na pinagsisisihan at humihingi pa ng kapatawaran ang suspek. Umaasa din siyang mapalaya ang 17-anyos na isa pang suspek sa krimen.