in

Murang Kuryente Act na layon ay mabawasan ang singil sa kuryente, nilagdaan na ni Pangulong Duterte

Inaasahang mababawasan na ang pasanin ng power consumers sa matataas na bayarin sa kuryente matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas ang Republic Act 11371 o “Murang Kuryente Act.”

Layunin ng bagong batas na mabawasan ang halaga ng binabayarang kuryente ng mga power consumer sa buong bansa.

Sa ilalim ng Murang Kuryente Act, gagamitin ang bahagi ng Malampaya fund para bayaran ang utang ng National Power Corporation na binabalikat ng mga consumer bilang “universal charge.”

Nakapaloob din sa batas na gagamitin ang P208-billion ng Malampaya fund para bayaran ang tinatawag na “stranded contract costs” at “stranded debt” ng National Power Corporation (NAPOCOR).

Ang stranded contract costs ay ang contracted cost of electricity ng NAPOCOR sa independent power producer habang ang stranded debts naman ay ang hindi nabayaran na financial obligations nang isapribado ang NAPOCOR assets.

Tinatayang aabot sa halos P200 ang mababawas sa buwanang bill ng mga consumer na kumukonsumo ng 200 kilowatt hour, at pakikinabangan ito ng halos 16 million household sa bansa.

Nakasaad din sa Murang Kuryente Act na gagamitin ang ibang bahagi ng pondo para sa exploration, development at exploitation ng iba pang energy resources.

Ang Department of Budget and Management (DBM) ang mangangasiwa sa pagpapalabas ng nasabing pondo.

Ang Murang Kuryente Act ay pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Agosto 8 subalit ngayon lang inilabas ng Malakanyang ang dokumento.

Kasama ring nilagdaan ng Pangulo ang “Anti-Obstruction of Power Lines Act,” na layong imintena at isailalim sa rehabilitasyon ang mga transmission, sub-transmission at distribution lines para pigilan ang pagkawala ng suplay ng kuryente.

Ikinagalak naman ng ilang senador ang paglagda ni Pangulong Duterte sa panukalang Murang Kuryente Act na inaasahang magbibigay ginhawa sa taumbayan.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, malaking tulong sa taumbayan ang paglagda sa nasabing batas ng Pangulo lalo at mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Magiging abot-kamay na ng bawat Pilipino ang mas mababang kuryente na kay tagal nang pinapangarap ng bawat isa sa atin ngayong nilagdaan na ang Murang Kuryente Act,” aniya.

“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa wakas ay matutuldukan na rin ang paghihirap ng bawat power consumer sa pagpasan ng utang ng Napocor na siyang ipinapasa sa tao sa pamamagitan ng universal charge sa stranded debts (UC-SD) at stranded contract costs (UC-SCC) na bahagi ng singil sa atin sa kuryente,” sabi pa ni Gatchalian.