Pangulong Duterte sa mga kritiko: ‘Lahat na ng sakit na ano tinatapon na sa akin’

Pangulong Duterte sa mga kritiko: ‘Lahat na ng sakit na ano tinatapon na sa akin’

Binuweltahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kritiko na nagpapakalat ng maling impormasyon o balita na naospital siya at mayroong malalang sakit.

Sa talumpati ng Pangulo, sinabi nito na lahat na ng uri ng sakit sa mundo ay itinapon na sa kanya ng mga kritiko.

Hindi naman sang-ayon ang Malacañang sa pagsasapubliko ng medical bulletin ng Pangulo gayong sinasabi sa 1987 Constitution na tanging seryosong karamdaman lamang ang kailangang isapubliko.

“Tatanda na natin… lahat na ng sakit na ano tinatapon na sa akin. Colon, sa ano,” sabi ni Duterte sa kaniyang talumpati sa harap ng mga bagong talagang opisyal ng gobyerno.

“Sabi ko nga sa — tinanong ko ‘yung Diyos eh. Sabi ko, “God, ano ba itong presidente? Patagalan sa mundo o patrabaho tayo dito and by the time we become unproductive, we should go out of this universe?” dagdag ng Pangulo.

Matatandaan na kumalat sa social media ang hindi umanong magandang kalagayan ng kalusugan ng Pangulo matapos ma-late sa PMA event sa Baguio City at unang beses simula noong maupo sa puwesto noong 2016 na hindi nag-abot ng mga diploma sa mga nagsipagtapos na kadete.

.