Ivana Alawi, handang harapin ang isasampang ligal na aksiyon sa kanya dahil sa pagpapanggap na pulubi sa isang vlog

Nagsalita na sa unang pagkakataon si Ivana Alawi hinggil sa kumakalat na isyu patungkol sa nag-trending niyang vlog nitong nakalipas na mga linggo.

Matapang na sinagot ni Ivana na haharapin niya ang kaso kung mayroon man siyang nalabag sa batas dahil sa pagpapanggap niya na pulubi sa isang vlog kamakailan.

Sa kanyang March 14 YouTube vlog, namigay ng pera si Ivana sa sinumang magbibigay-limos sa kanya sa kalsada.

httpv://www.youtube.com/watch?v=l_OF91GCKBE

Sa nasabing prank, susuklian niya ng x1000 depende sa kung magkano ang ililimos sa kaniya ng kaniyang nilimusan, halimbawa na kung ito ay P20 ay papalitan niya ito ng P20,000.

Naantig nga ang marami sa naturang vlog ni Ivana lalo na ang pakikipag-usap niya kay Tatay Joselito na siyang isang kutsinta vendor, na bukod sa biniyayaan niya ng kapalit ng inilimos nito ay niregaluhan niya rin ito ng ilang mahahalagang kagamitan.

Ayon kay Ivana, ginawa niya raw itong street prank para maranasan mismo ang kondisyon ng mahihirap at para makatulong sa mga ito.

May ilang bumatikos sa ginawa ni Ivana at sinabing prinomote at nilabag ng huli ang Anti-Mendicancy Law of 1978.

“Kung may nalabag akong batas, ‘di kasuhan na lang nila ako. Haharapin ko ‘yon. Lalaban ako,” sabi ni Ivana sa bago niyang vlog nitong April 3.

“Ang intention ko was to just help out and to inspire people. Wala akong tinapakan na tao, wala akong nasaktan na tao, and masaya ako sa video. I would do it again,” paliwanag niya pa habang ginigiit na wala siyang ginawang masama sa kanyang prank.

Sa ilalim ng Anti-Mendicancy Law, parurusahan ang sinumang magbigay ng limos, at pagmumultahin o ikukulong naman ang manglilimos.

Layon ng batas na pigilan ang pananamantala sa mga menor de edad sa pamamagitan ng pamamalimos, at magbigay ng habilitative services para sa mga sinasamantala na o nanganganib na pagsamantalahan.

httpv://www.youtube.com/watch?v=3dLVeYppxxA