Cloth masks, hindi epektibo laban sa 2019-nCoV ayon sa doktor mula sa National Institutes of Health

Cloth masks, hindi epektibo laban sa 2019-nCoV ayon sa doktor mula sa National Institutes of Health

Nilinaw ng mga doktor sa publiko na may kani-kaniyang gamit ang mga face mask na ngayon ay nagkakaroon na ng kakulangan sa merkado.

Sa ginanap na kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Dr. Edsel Maurice Salvana, director ng Molecular Biology and Biotechnology ng National Institute of Health (NIH) na hindi epektibong pangontra laban sa 2019 novela coronavirus (2019-nCoV) ang cloth mask na nabibili sa mga bangketa dahil hindi naman nito nasasala ang mga virus at bacteria sa hangin.

“Ang cloth mask hindi gumagana dahil walang filter. Akala niyo protektado kayo, hindi pala,” sabi ni Salvana.

Pinayuhan din ni Salvana ang publiko na magsuot ng surgical mask sakaling may sintomas ng flu para maiwasan ang pagkalat ng virus at bacteria.

“Kahit walang nCoV parang awa niyo na kung may sakit kayo mag-surgical mask kayo,” dagdag ni Salvana.

Paliwanag ni Dr. Salvana tanging mga doktor lamang din aniya ang maaaring gumamit ng N95 face mask kung saan may sistema ang paggamit nito lalo na at kailangang saradung-sarado o hindi mapapasok ng hangin ito.

“Ang N95 masks ang gumagamit lang po niyan ay doctor dahil kailangang ma-fit nang maayos – subukan niyo huminga sa N95 masks. Ako hindi ako lumalampas ng sampung minuto pumapasok ako para tumingin ng pasyente na may tuberculosis, yun po ang ginagamitan ng N95,” dagdag ni Salvana.

“Kapag binili niyo lahat ng N95 sa merkado, wala na magagamit ang doktor para tumingin ng pasyente,” ayon pa kay Salvana.

Dagdag pa ni Dr. Salvana na surgical mask lamang o regular na face mask ang maaaring gamitin laban sa virus at bacteria ngunit kailangang sundin ang tamang paggamit nito.

Dapat ay nakalabas ang kulay asul dahil ito ang bahagi na nagtataglay ng water repellant habang absorbent naman ang kulay puti na dapat ay nasa loob.

“When wearing surgical masks, the blue or colored side should be facing out. The nose and the mouth should both be covered by the mask,” ayon pa kay Salvana.

Kapag nagamit na ay dapat itapon at huwag ng uulitin ang paggamit nito.