in

Ina, nagmamakaawa ng tulong para matagpuan ang 17-anyos na anak na sumali sa grupong Anakbayan

Isang ina ang humihingi ngayon ng tulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng social media para maibalik ang kanyang anak na napariwara ang buhay matapos sumali sa grupong Anakbayan-FEU Morayta Chapter.

Base sa pahayag ng ginang sa kanyang Facebook profile, naglayas ang kanyang anak nang makakuha ito ng tiyempo.

Ayon kay Relissa Lucena, masipag na mag-aral ang kanyang anak na si Alicia Jasper Lucena, 17-anyos, pero nagbago umano ang ugali nito nang masali sa grupo.

Humantong pa raw na napagsalitaan siya ng sariling anak ng masasamang salita.

Naniniwala si Relissa na sinamantala ng eskwelahan at grupong Anakbayan ang murang kaisipan ng kanyang anak.

Isa pa sa ikinatatakot ni Relissa ay ang mga sinusulat ng kanyang anak at ang mga librong binabasa na nagtuturo ukol sa armadong pakikibaka.

Ang pagsusumamo ni Relissa sa publiko ay umani na ng libo-libong reaksyon mula sa netizens.

BASAHIN ANG KABUUAN NG SALAYSAY NI RELISSA:

Ako po si Relissa Lucena, 37 years old, ina ni Alicia Jasper Lucena, 17 years old sa kasalukuyan na magiging ganap na 18 yrs old ngayong July 24, 2019.

Sumali ang aking anak sa isang club sa kanilang eskwelahan noong pasukan. Ito ay ang Anakbayan-FEU Morayta Chapter. Siya po ay nag-iba ang kilos pagtungtong ng buwan ng Oktubre hanggang sa kasalukuyan, lumayas siya noong February 3 at bumalik noong February 6, hindi po siya sa aming mga relatives tumuloy.

Ang aking anak ay hindi ko na pinapasok dahil natatakot akong mawawala siya ng tuluyan sa aming pamilya. Napakasakit na ipinagkatiwala ko ang aking anak sa kanyang eskwelahan dahil naniniwala ako na ito ay magiging katuwang namin mag asawa para makamit at matupad niya ang pangarap niya sa buhay.

Bago siya pumasok sa FEU bilang Grade 11, ang kanyang paulit-ulit na kinikwento at sinasabi sa akin na Mommy gusto kong mag-PMA sa Baguio pero hindi kami pumayag. Nagbago ang kanyang isip, sinabi niya na mag Medical Psychology, hanggang sa maging Criminal Psychology gusto niyang maging Pulis, gusto niyang maglingkod sa bayan, hindi ko siya pinipigilan sa kanyang kagustuhan.

Pero nagbago ang lahat. After niyang umuwi ng February 6, kinausap niya kami at sinabing ayaw na niyang mag-aral at iba ang kanyang kamulatan at ituring na wala na akong anak.

Sa paanong paraan namulat ang aking anak para kalimutan ang kanyang edukasyon at kaming kanyang pamilya. 16 years old lang siya ng pumasok sa Anakbayan na samahan noong unang linggo ng pasukan. Hindi ko ito namalayan dahil napaka masigasig niyang mag-aral. Nung first semester nag-iba na lamang ang kanyang kinikilos pagpasok ng October to November.

Noong March 10, 2019 muli siyang lumayas at doon patuloy ko lang siya muna pinabayaan habang kinikilala ko ang kanyang mga recruiter at kung saan patungo ang kanyang pinaglalaban. Natakot ako sa kanyang mga sulat at libro na nagtuturo ng armadong pakikibaka kung kaya noong May 22, kinausap ko siya at kanyang mga lider na pauwiin siya at sinabi ko na ididemanda ko sila kung hindi nila papauwiin ang aking anak.

May 25 umuwi siya at hindi ko na siya muling pinaalis, hanggang kaninang umaga July 10, 2019 sakto 4AM, nakakuha siya ng chance para makatakas at dun umalis.

Ako po ay humihingi ng tulong na matulungan ako na mahanap ang aking anak, alam ko na kagustuhan niya ang umalis. Pero bakit kami tatalikuran ng aking anak, sa napaka ikling panahon. Hindi ako perpekto pero hindi po ako masamang ina gusto kung humingi ng tulong na kung sino man ang makakita sa aking anak na si Alicia Jasper Lucena ay ipagbigay alam sa mga otoridad o sa akin sa lalong madaling panahon.

Naniniwala ako na ang teen stage nila ay nasa critical stage na sinamantala ng eskwelahan at ng grupong Anakbayan para gamitin at ipamukha sa aking anak na sila lamang ang makakapagpabago ng lipunan.

Napaka fragile pa ng kanilang isip para punuin ng galit. Alam ko naman po yung kakulangan namin pero yung makaranas kami ng ganito ay napakasakit lalo na yung anak kong inalagaan at iniingatan ay may naka abang na kapahamakan. Masasakit ang binibitawan niyang salita sa amin pero naniniwala ako na sa kaibuturan ng kanyang puso alam ko na mahal nya kami.

Hindi ko lubos maunawaan ang kanyang pakikibaka sa buhay pero iisa lang ang aking naiintindihan kung saan patungo ang kanilang pinaglalaban.

Ang pamilya ko ay simpleng namumuhay lamang walang sinasagasaang tao, nagsusumikap lang kami para itaguyod ang aming 3 anak. Pinag-aaral sila sa isang pribadong eskwelahan dahil natatakot kaming mabully o mabarkada sa maling kaibigan. Pinag-aaral kahit ipangutang para lang matupad ang kanilang pangarap pero bakit wala kaming proteksyong mga magulang na yun iniingatan naming mga anak ay natututo ng tama at hindi nagiging rebelde sa bayan.

Ako po ay desperada na at humihingi ng tulong sa kung sino man ang makaktulong sa akin para maibalik ang dati kong anak.
Hindi ko kayang pabayaan ang aking anak na nanggaling sa aking sinapupunan, inalagaan, at pinalaki. Wala akong magawa para kuhanin siya dahil ibang tao na ang aking kaharap. Hindi ganito ang aking anak nung nakaraang taon, ina po ako wala akong ibang hangarin sa aking mga anak kundi ang protektahan at mapabuti sila.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0