in

Robin Padilla, hinamon si Gary Alejano: “Huwag idaan sa pulitika at pagpapacute, lumusob tayo sa Spratlys”

Hinamon ng aktor na si Robin Padilla si Magdalo Partylist representative at Otso Diretso senatorial bet Gary Alejano na maging totoo sa planong bumisita sa Spratly Island.

Sa Instagram post ni Robin, sinabi nito na dapat hindi lang puro salita ang banta sa pagpunta sa Spratly Island at ituloy na ito para gayahin ang mga Tausug.

“Wag natin daanin sa pulitika ang kabayanihan. Walang mangyayari ang puro nating pagpapacute sa Ninunong China. Gayahin natin ang mga tausug ng sultanate of sulu ipakita natin sa Ninunong China na handa rin tayong mga Katipunero na sundan ang yapak ng mga Rebolusyaryong Tausug,” ayon kay Robin.

Saad pa niya, nakapagpaalam na siya sa kanyang kasambahay na si Mariel Padilla at kanyang mga anak kung sakaling kumasa si Alejano sa kanilang pagpunta sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

“Nakapagpaalam na ako sa aking asawa at mga anak katunayan wala na sila sa Bansa nandon na sa Amang Amerika,” ani Robin.

Handa na rin umanong mamatay si Robin para sa Inang Bayan at sinabing handa niyang gayahin ang Katipunan na nagbigay ng buhay para sa bansa.

“Walang pinakamatamis kundi ang mamatay para sa Inangbayan. Matanda na rin ako ayaw ko mamatay sa ICU o sa kotse katulad ng mga malalapit kong kaibigan kayat gawin natin ito ng isang beses tutal Katipunan ang dala nating pareho. Sabi nga nila every hundred years heroes must come medyo long overdue na tayo 132 years na ang Katipunan revolt,” saad ni Robin.

“Pero hindi dapat nating idamay ang buong Pilipinas sa isyu na ito dahil kawawa ang taong bayan lalo nang mga mahihirap kapag pinatulan tayo ng ninunong China dito sa mainland Philippines kayat sarilinin natin itong lakad lumusob tayo sa Spratlys lumusob tayo gayahin natin ang mga Tausug at wag kang mag-alala susunod ako sa plano mo dahil marines ka marahil mas magaling ka sa akin sa military tactics kaya gawin na natin ito wala akong kokontrahin sa plano yakapin na natin ang pagiging bayani sa panahon na ito at marahil mabuhay natin ang bawat katipunan sa puso ng mga Pilipino at magising sa mahimbing na pagkakatulog,” dagdag ng aktor.