in

19 armadong kalalakihan kabilang ang 2 pulis, arestado sa paglabag sa election gun ban sa Pagadian City

Naaresto ng tropa ng militar ang 19 na armadong kalalakihan, karamihan ay maskarado habang naglilibot sa Barangay Danlungan, Pagadian City dahil sa paglabag sa election gun ban at pangha-harass sa ilang kawani ng media sa lungsod.

Ang dalawa sa mga ito ay napag-alamang aktibong pulis na kinilalang sina Police Senior Master Sergeant Rex Bameda na nakadestino sa Zamboanga del Sur at si Police Corporal Michael Dagupan ng Pagadian City police.

“Wala po kaming instruction na mag-join sila sa grupo ng lawless na ‘yon na may dalang unlicensed firearms. Ang isa doon ay may temporary security detail, definitely naka-detailed sila sa isang politiko si Cpl. Michael Dagupan,” saad ng hepe ng Pagadian City Police na si Police Lt. Col. Alvin Saguban.

“Iyong isa according to Cpl. Dagupan, dinaanan lang nila kasi kakilala nga niya, sumakay doon si PSMSgt. Rex Barmedo, ang position po niya dito sa atin is beat patroller, nagkataon na off siya,” dagdag niya.

Ayon kay Lt. Col. Marlowe Patria, 53rd Infantry Battalion commander, nakatanggap ng tawag ang kaniyang batalyon mula sa mga residente ng Danlungan na humihingi ng tulong dahil sa presenya ng mga armadong kalalakihan na nakasakay sa dalawang pick-up vehicles habang nakasuot ang mga ito ng maskara at naglilibot sa barangay.

Agad na tumawag si Patria ng joint law enforcement operation sa Pagadian City police, kasama ang abogado na si Jossil Macute, provincial supervisor ng Commission on Elections na humantong sa pagkahuli sa mga ito.

Sa 19 na naaresto, 13 ang may dalang baril ngunit walang umamin kung kanino ang tatlo pang baril na natagpuan sa loob ng dalawang sasakyan.

Narekober sa lugar ang limang M16 rifles, pitong kalibre-45 pistols, 2 kalibre-37 rebolber, isang 9-mm pistol, isang kalibre-38 rebolber, isang kalibre-22 rebolber, at mga assorted ammunition at 17 maskara.

Ayon kay Macute, ang pagka-aresto sa mga armadong kalalakihan ay dapat na maging babala na ang mga militar at mga pulis ay seryoso sa paniniguro na magiging ligtas ang darating na eleksyon.

Arestado kasama ang dalawang police officer ay sina Joel Morales, Celso Labayo, Ken Redondo, Anthony Basaya, Art Tesorio, James Mendiola, Jimmy Mendiola, Randy Abad, Antonio Onac, Juvy Siabok, Junifer Daud, Micahel Ganub, Jhoniven Sebag, Minching Angalay, Alvin dela Cruz, Dioscoro Escario, at Jason Escario.

Ang mga naarestong kalalakihan at ang mga narekober na mga armas ay dinala sa Pagadian City Police Station para sa proper disposition at sa pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Loading…

0