Grupo ng mga guro, iminungkahi ang paggamit ng TikTok para sa performance-based tasks ng mga estudyante

Nais isulong ng isang grupo ng mga guro ang paggamit ng TikTok bilang performance-based tasks platform para sa mga mag-aaral sa bansa.

Iminungkahi ni Liza Marie Campoar-Olegario ng Movement for Safe, Equitable, Quality, and Relevant Education, nararapat lamang na isipin kung ano ang mga bagay na maaaring ikonekta sa pag-aaral kung saan interesado rin ang estudyante na gawin sa araw-araw.

“Kung mahilig silang mag-TikTok, doon tayo mag-PE sa TikTok. Mga productive [activities] na hindi nila kailangan pasagutan sa magulang ang mga module dahil meron silang ibang puwedeng mas productive na gawin at siguradong mas matututo sila,” pahayag ni Olegario.

Base sa datos, halos karamihan sa mga guro ang nagsasabing hindi sila sigurado kung may natututunan ang estudyante sa ilalim ng distance learning setup ngayong quarantine. 

Nagpapakita ng 70.9% ng mga guro ang nagsasabing “hindi sila confident na naisakatuparan ang sinasabing competencies na itinakda ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng distance learning.”

Higit sa kalahati o mahigit 53% ng mga mag-aaral ang hindi sigurado na natututo at naabot nila ang competencies na itinakda ng ahensiya, habang 42.7% naman ang nagsabing naiintindihan at may natututunan ang kanilang mga anak sa mga aralin.

Ang learning competencies ay tumatalakay sa kaalaman, pag-unawa, kasanayan at pag-uugali, na inaasahang maipapakita ng mga estudyante sa bawat aralin o gawain na nakaatang sa bawat asignatura ng kanilang pag-aaral.

Sinasabing isinagawa ang naturang nationwide survey noong Nobyembre hanggang Disyembre 2020 ng SEQuRE Education Movement, kabilang sa survey ang 1, 395 na guro, 1,207 na mga magulang, at 620 mga estudyante mula grade 4 hanggang grade 12.

Dagdag pa ni Olegario na nagtuturo sa University of the Philippines (UP) College of Education, ilang mag-aaral rin daw umano ang nahihirapan pa rin matapos ang ilang buwang pagpapatupad ng distance learning system bunsod ng banta ng COVID-19 sa bansa.

Dahil dito, sinabi rin niya na bigong makadalo ang karamihan sa mga estudyante sa kanilang mga online class dahil sa kakulangan sa gadget at internet connection.

Matatandaan na noong nakaraang Oktubre ang pagsisimula nang sinasabing distance learning program katulad ng paggamit ng modyul, online classes, telebisyon at radyo bilang kani-kanilang pamamaraan para makapag-aral pa rin mula sa kanilang mga tahanan bunsod ng patuloy na banta ng COVID-19 sa bansa.