Grace Poe, naghain ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ng Senado ang isyu sa prangkisa ng ABS-CBN

Grace Poe, naghain ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ng Senado ang isyu sa prangkisa ng ABS-CBN

Takdang paimbestigahan ng Senado ang isyu sa prangkisa ng ABS-CBN Network.

Sa inihaing Senate Resolution 322 ni Sen. Grace Poe, nais nitong siyasatin ang operasyon ng ABS-CBN kung sumusunod sa “terms and conditions” ang kanilang prangkisa sa ilalim ng Republic Act No. 7966.

Ayon kay Poe, naninindigan ang TV network na wala itong nilalabag na batas at ang lahat ng kanilang hakbang ay nakatutugon sa probisyon ng kanilang prangkisa.

“Walang perpekto. Ako ang isip ko diyan ay bukas dahil maraming nag-a-apply ng prangkisa, wala namang perpekto,” sabi ni Poe.

“Walang duda na may serbisyong ibinibigay ang network ng ABS-CBN pero ito timbangin natin—ang serbisyo ba na ibinibigay ng ABS-CBN ay akma o kayang isantabi ang mga kakulangan nito,” lahad pa nito.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, susuportahan niya ang resolusyon ni Poe dahil trabaho ng Kongreso ang pag-review ng prangkisa at hindi ng Supreme Court.

Nilinaw din ni Drilon na gagawin lamang ng Senado ang kanilang “oversight functions” kung saan makakabuo sila ng desisyon kung dapat i-renew ang prangkisa ng Kapamilya network sa sandaling ipadala na ng House of Representatives ang panukala.

Naniniwala rin si Drilon na hindi lalabag sa tinatawag na “sub-judice rule” ang gagawing pagdinig.

Hinikayat din ni Poe ang mga kapwa mambabatas na tiyaking na maari pang mag-operate ang ABS-CBN habang tinatalakay ng Kongreso ang franchise extension para maprotektahan ang 11,000 manggagawa na maapektuhan ng pagsasara nito.

“Kahit sabihin pa nila na pwede naman ‘yan i-extend hanggang 2022, maganda siguro kung in writing o kaya at least verbally sabihin ng Kongreso, ‘We commit to give ABS-CBN through the National Telecommunications Commission a temporary permit to operate’ kasi hindi naman ‘yan nakasulat sa batas. ‘Yan ay kortesiya lamang na ibinibigay ng Kongreso at NTC,” pahayag ni Poe.

“Hindi biro kung matigil ang operasyon dahil alam naman natin 11,000 trabaho ang apektado rito,” dagdag pa nito.

Sa ngayon, hindi pa sinisimulan sa Kamara ang deliberasyon ng franchise application ng ABS-CBN.