fbpx
≡ Menu

Pangulong Duterte, nilagdaan ang panukalang magbibigay ng libreng internet at malinis na palikuran sa transport terminals

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas ang Republic Act 11311 o ang “An Act to Improve Land Transportation Terminals, Stations, Stops, Rest Areas, and Roll-On/Roll-Off Terminals,” para maging komportable ang mga pasahero sa iba’t-ibang terminal sa bansa.

Sa ilalim ng nasabing batas, magkakaroon ng libreng internet sa mga terminal sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Transportation (DOTr) at iba pang konektadong ahensiya para maisasakatuparan ang libreng access sa internet sa mga terminal.

Bukod pa sa libreng internet, asam din ng batas ang malinis na palikuran sa bawat istasyon at terminal.

Kailangan din magtalaga ang mga nasabing establisimiyento ng lactation station para sa mga nagpapasusong ina.

Pinagbabawal din sa panukala ang paniningil sa mga pasahero na nagnanais na gumamit ng banyo.

Kailangan lang na ipakita ng mga pasahero ang kanilang ticket sa araw na iyon upang makagamit ng libre sa pasilidad.

Ang mga may-ari, operator o administrador ng mga terminal na hindi susunod sa panukalang batas ay pagmumultahin ng P5,000 kada araw ng paglabag at P5,000 iba pa para sa kada araw na pangongolekta ng bayad mula sa pasahero sa paggamit ng banyo.

Ang DOTr, sa pakikipagtulungan sa DICT at iba pang stakeholders ay mayroong 60 araw para ipatupad ang batas sa oras na maisyu na ang implementing rules and regulations.