Senado, binigyan ng kapangyarihan si Pangulong Duterte na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa Agosto

Senado, binigyan ng kapangyarihan si Pangulong Duterte na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa Agosto

Inaprubahan na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang isang panukala na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa Agosto.

Sa botong 23-0, inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 1541, na naglalayong amiyendahan ang Section 3 ng Republic Act 7797 o “An Act to Lengthen the School Calendar from Two Hundred (200) Days to Not More Than Two Hundred Twenty (220) Class Days.”

Sa orihinal na batas, ang simula ng klase ay magsisimula sa unang linggo hanggang huling araw ng Agosto.

“The immediate effect of this legislation would be to empower the President to move the start of the School Year 2020-2021 to September or even later in the event that public health authorities would recommend the postponement of the school year in order to contain the spread of COVID-19,” ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Kapag naisabatas ang panukala, sinabi ni Gatchalian na magkakaroon ng flexibility ang Pangulo at Department of Education (DepEd) na kung bubuksan ang klase kapag patuloy ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at nalalagay sa panganib ang kaligtasan ng mag-aaral, titser at mga non-teaching personnel.

Pinasalamatan naman nito ang kasama sa Senado na bumoto sa panukala.

“Natutuwa po ako at nakapasa na sa senado ang panukalang batas na ito. Mahalaga ang pagpasok sa eskuwelahan ng mga bata, pero higit na mahalaga ang kanilang kaligtasan at kalusugan,” sabi ni Gatchalian.

“Kaya bigyan po natin ng pagpapasya ang Pangulo ng Pilipinas at ang Kalihim ng Edukasyon upang baguhin ang petsa ng pasukan sa panahon ng pandemya habang walang kasiguraduhan sa kaligtasan at kalusugan ng kabataang Pilipino,” dagdag pa ito.

Ang Senate Bill 1541 ay substitute bill sa pinagsama-samang hiwalay na panukala nina Senador Joel Villanueva, Francis Tolentino, at Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

PAGBUBUKAS NG KLASE BASE SA COVID

Ang panganib na dulot ng COVID-19 sa bawat rehiyon o ‘risk-based’ ang dapat maging basehan sa pagbubukas ng klase ngayong taon, ayon kay Gatchalian.

Bagama’t may mga probinsyang walang kaso ng COVID-19 at maaaring magsagawa ng physical o face-to-face classes, sinabi nitong dapat panatilihin pa rin ang minimum health standards tulad ng pagbabawal sa iba’t ibang uri ng pagtitipon upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, magulang at iba pang kawani ng paaralan.

Nauna nang nilinaw ng DepEd na sa pagbubukas ng klase, hindi nangangahulugang magkakaroon ng face-to-face learning.

Sa ilalim ng Learning Continuity Plan (LCP) ng DepEd, hindi lang online learning ang magiging paraan ng pagtuturo. Kabilang din sa iba pang paraan ng pagtuturo ang paggamit ng radyo, telebisyon, at printed packets para sa mga mag-aaral na walang internet o gadget.

“Kailangang alalahanin natin na layon ng pagpapatuloy ng edukasyon ay ang pag-angat natin sa kinabukasan ng ating mga kabataan, lalo na para sa mga nangangailangang mag-aaral,” ani Gatchalian.

Dapat din aniyang magpatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan sa kabila ng krisis na dulot ng pandemya dahil may pangmatagalang pinsala kapag pinatagal pa ang pagbubukas ng klase.

Babala pa niya na kapag humaba pa ang panahon na hindi papasok ang mga bata sa pampublikong paaralan, pihadong mapag-iiwanan sila ng mga ka-edad nilang nag-aaral sa pribadong eskwelahan.